Bukas na ang showing ng Paano Kita Iibigin nina Regine Velasquez at Piolo Pascual at malalaman na kung naapektuhan ang box-office result ng movie sa premature na paglabas ng announcement ni Ogie Alcasid sa relasyon nila ng Asia’s Songbird.
Bale ba’y after the announcement, nakitang nag-lips-to-lips sina Regine at Ogie matapos ang concert ni Ogie sa Music Museum last week. Libre na silang mag-PDA after the announcement.
Sabagay, paulit-ulit na sinasabi nina Regine at Piolo na story and the whole movie ang pino-promote nila at hindi ang kanilang loveteam. Dahil naging maganda ang working relationship, umaasa ang dalawa na mauulit ang pagtatambal nila sa pelikula.
Sabi ni Piolo: “Kung gagawa uli kami ng movie ni Redge, hindi sequel ng Paano Kita Iibigin. Siguro another story dahil mahirap gawin ito, another movie at lighter naman.”
Sinang-ayunan ni Regine ang sinabi ni Piolo at may concept na raw siya, musical na bagay sa kanila dahil pareho silang kumakanta. Ang singer-actress na rin ang sumagot sa tanong kung puwede silang maging triangle ni Ogie? Kasali raw talaga ang boyfriend dahil ito ang sumulat ng movie theme song at kasama nila sa recording.
* * *
Hanggang September this year na lang ang kontrata ni Joseph Bitangcol sa Talent Center ng ABS-CBN at mukhang type nitong lumipat sa GMA-7. Nag-text kasi ang ina nito sa isang kaibigang reporter at nagpapatulong na ilapit sila kay Lolit Solis para i-manage ang anak.
Hindi pa nakakausap ng reporter si Lolit, pero may feeling itong baka hindi nito i-manage ang actor. Ang reporter din kasi ang naglapit kay Pauleen Luna sa talent manager at nakita ng ina ni Joseph na maraming nabigay na project si Lolit sa actress sa movies and TV.
Halimbawang i-manage ni Lolit si Joseph, malaki ang posibilidad na lumipat siya sa Ch. 7. Payag kaya ang actor na siya’y lumipat ng network? Puwede rin siyang i-manage at mananatili sa Ch. 2, pero mas matututukan siya ni Lolit kung pareho silang nasa Siete. –NITZ MIRALLES