Nung huwebes nang gabi ay umuwi na sa Tabuk, Kalinga ang mag-inang Love Joy at Ranz Fajardo, dun na mag-aaral ang anak ni Franzen, titira ang mag-ina sa pamilya ni Love Joy.
Nag-bus lang ang mag-ina, si Joy na ang kusang umiwas sa away nila ni Franzen, ang Diyos na lang daw ang bahala sa kanilang dalawa.
Umalis ang kanyang anak nang hindi man lang nakita ni Franzen, ang katwiran ng komedyante ay ayaw daw nitong magpunta sa bahay ng pinsan ni Joy na pansamantalang tinirhan ng mag-ina nung magkahiwalay sila, hindi raw nito pinagkakatiwalaan ang maaaring gawin ng pamilya ng kanyang asawa.
Parang bumabalik ngayon ang kapraningan ni Franzen na nakita natin noong nasa loob pa ito ng Pinoy Big Brother house, kung anu-ano ang iniisip ni Franzen, takot na takot ito sa mga kilos ni Joy ngayon.
Walang dapat ipag-alala si Franzen kay Ranz, kaharap kami nung sabihin ng ina ni Joy na anuman ang mangyari ay mabubuhay ang bata sa probinsya, ang tanong ay kung magkakaroon ba naman ng katahimikan ng kalooban si Franzen sa gitna ng mga pangyayaring ito?
“Diyos na po ang bahala sa aming dalawa,” sabi na lang ni Love Joy.
* * *
Kinumpirma ng aming source na sa Amerika nga magkikita sina Yilmaz Bektas at Ruffa Gutierrez, sa paglabas ng kolum na ito ay baka nga nagkita na ang mag-asawa, ito ang magiging senyal kung tatanggapin pa ba ni Ruffa ang pakikipagbalikan ni Yilmaz sa kanya. Tawasin man ngayon si Ruffa ay hinding-hindi na siya babalik pa sa Istanbul, sa isang neutral place sila kailangang mag-usap ni Yilmaz at kailangang meron siyang kasamang kapamilya sa masinsinan nilang pagtalakay sa kanilang relasyon.
Kasamang umalis ni Ruffa ang kanyang ina, hindi mapapakali si Tita Annabelle Rama nang malayo sa kanya si Ruffa, hindi rin ito natatakot na makipagharap sa kanyang manugang.
Hindi naman nagpakaipokrita si Ruffa, sa kanyang panayam naman ay inamin ng aktres-beauty queen na hanggang ngayon ay mahal pa rin niya ang ama nina Lorin at Venice, kahit ang source namin ay naniniwalang sa maganda mauuwi ang senaryong ito.
* * *
Ano ba naman yun? Wala bang nagpapaliwanag kay Manny Pacquiao na ang terminong representative ay kasingkahulugan din ng pagiging congressman?
Sa isang interbyu ay tinanong ng reporter si Manny, “Ano ang masasabi mo, kapag nanalo ka ngayong eleksiyon, ikaw na ang magiging representative ng lugar ninyo?”
Ang sagot ni Pacman, “Hindi, congress ang tinatakbuhan ko!”
Aysus!
* * *
Suntok sa buwan ang ginagawang pang-aabala kay Governor Vilma Santos ng tinalo niya nung halalan, sa laki ng kalamangan niya dito ay nagbabanta pa rin ang kanyang tinalong pulitiko na maghahabol, ganun nga siguro katindi ang kaway ng kapangyarihan sa mga nasanay na sa kanilang puwesto.
Hindi naman ilang libo lang ang margin ng boto ng aktres-pulitiko sa naghahabol ngayon, daang libo ang pinag-uusapan dito, paano naman pagbibintangan si Governor Vilma na nandaya sa napakalinaw na numerong naging resulta ng kanilang laban?
“Hindi ko kayang gawin ang ibinibintang nila, hindi ako yun, hindi ko masisikmurang gawin yun dahil palagi akong naniniwala sa isang parehas na laban,” reaksyon ni Governor Vilma.
Naman! Ang mahigit na isandaang libong boto ba ay produkto ng dayaan sa pamamagitan ng vote buying? Bakit kasi hindi na lang tanggapin ng pulitikong yun na sa isang labanan ay may nananalo at natatalo.
Nagkataong si Governor Vilma ang naluklok, ito ang hindi pinalad, mahirap bang tanggapin ang malakas na sigaw ng katotohanan?
Susmaryosep naman!