Isang mapagkakatiwalaang impor mante ang nakapagbulong sa amin na 85 million pesos ang nagastos ni Manny Pacquiao sa kanyang kandidatura.
Ang halagang kinita raw ng kampeong boksingero sa laban nila ni Jorge Solis ay buong-buong napunta sa mga gastusin sa kanyang kampanya, napakalaking halaga nun, pero nauwi lang sa hangin.
Masamang-masama ang loob ngayon ni Pacman dahil maraming nanloko sa kanya, puro padding ang naganap nung kanyang kampanya, pinagsamantalahan ng mga taong pinagkakatiwalaan niya ang pagiging bagito ng boksingero sa larangan ng pulitika.
Sabi ng aming source, “Okey na sana kay Manny na natalo siya, aminado naman siya na talagang wala siyang alam sa pinasok niyang laban, pero ang hindi niya matanggap ngayon, eh, kung paano siyang pinagsamantalahan ng mga taong ang akala pa naman niya, eh, kanya.”
Sa isang hotel daw na tinutuluyan ng mga artistang umakyat sa entablado ng kanyang kampanya ay naging matindi ang lokohan, mismong mga taong pinagkatiwalaan ni Manny ang nanloko sa kanya, ang 10 libo ay ginagawang 100 libong piso.
“Kung anu-anong pagkain ang nakalista, parang laging may handaan, samantalang iilang artista at staff lang naman ang nandun sa hotel. Yun pala, talagang trinabaho siya ng mga taong itinoka niya dun.
“Padded ang mga resibo, sa mga zero lang nagkakatalo na. Ganun kadis-organisado tumakbo ang kampanya niya. Wala kasi silang preparation, lahat, nagmamarunong.
“Kaya nakakalungkot ang nangyaring ito, talo na siya, butas pa ang bulsa niya,” sabi pa rin ng aming kausap.
* * *
Ngayon siguro ay mananahimik na ang mga taong nagpakain nang masasakit na salita kay Konsehal Isko Moreno nung kasagsagan ng kampanya. Ang nilalait-minamaliit nilang basura at hindi basurero ay sinuportahan ng mga Manilenyo, walang nagawa ang taktika ng kanyang mga kalaban para malaglag ang aktor-pulitiko sa labanan.
Kailan ba naman ipinagkaila ni Isko Moreno na namamatsoy lang siya dati ng basura sa mga lansangan ng Tondo, nagpanggap bang nakatira sa pangyamang subdivision yung tao, mula’t mula naman ay aminado siya na mamamatsoy siya ng basura.
Pero kapag basurero ba ang isang tao ay wala na siyang karapatang pagmilagruhan ng kapalaran, kapag taga-Tondo ba ang tao ay wala na siyang karapatang mabuhay sa mundo, masyado namang nilait ng mga taong yun si Isko Moreno.
Kapansin-pansin na hindi sinuportahan ng kanilang mga nasasa kupan nung nakaraang eleksiyon ang mga pulitikong mahilig manlait ng kanilang mga katunggali, maidagdag sa listahan ang lumilipad na tagumpay ngayon ni Mayor Vilma Santos na pag-aaralan na nating tawaging Gobernador Vilma, nawalan ng saysay ang mga personal na paninira sa kanya nung panahon ng kampanya ng kalaban niyang mas masahol pa sa tsismosang nakikipagkutuhan sa hagdan kung makapamintas sa kanya.
* * *
Saludo kami sa mag-amang Mayor Lito Atienza at Ali, mas lumaki ang tingin namin sa kanila nang magdesisyon silang tanggapin nang maluwag sa puso ang panalo ni Senador Alfredo Lim bilang mayor ng Maynila, bibihirang pulitiko lang ang maagang nakatatanggap ng katotohanang hindi sila pinalad sa botohan, ang sabi kasi’y wala namang pulitikong natatalo kundi nadadaya lang.
Hindi nakabawas sa pagkatao ng mag-amang Atienza ang kanilang gi nawa, sa halip ay nakuha pa nga nila ang respeto ng publiko.
Malapit kami kay Kim Atienza, isa sa mga itinuturing naming “kayamanan” ng News And Current Affairs Division ng ABS-CBN, pero nung mga panahong nasa kabilang bakod kami ng labanan (para kay Senador Lim) ay wala kaming anumang narinig mula sa kanya.