Maayos na rin ang blood pressure ni Kris, ang bumababa-tumataas niyang presyon ay kontrolado na ngayon, ang dati niyang BP na 170/110 ay 130/80 na ngayon.
Nakakapag-breastfeed si Kris, hindi nga lang ganun karami ang kanyang gatas. Kaya kinakailangan nilang umasa ng ilang araw sa gatas na mula sa ibang inang kapapanganak lang.
Sinundo ni Kris sa nursery room ang kanyang anak, kinarga niya ang sanggol, pero marami ang nagtaka kung bakit Baby Boy ang itinatawag niya sa kanyang anak at hindi Baby James.
Ilang ulit na ganun ang sinasabi ni Kris, kaya umandar ang pagwa-one-plus-one ng ating mga kababayan, bakit daw kaya Baby Boy ang itinatawag niya sa sanggol at hindi Baby James?
Wala si James Yap nang lumabas ang mag-ina, nasa Baguio raw ito kasama ang Purefoods team dahil dun lumalaro, pero kumpleto naman ang pagbabalitaan ng mag-asawa tungkol sa sitwasyon nilang mag-ina.
Ang nakakatawa, ayaw nang bumalik sa Oakwood ngayon ni Josh, dun na lang daw muna siya titira sa bahay ng kanyang lola, pwedeng nakakaramdam siya ng selos sa kanyang kapatid at pwede naman dahil maraming kalaro dun si Josh, kaya ayaw muna niyang umuwi sa Oakwood.
Naiintindihan namin ang punto ni Ynez, ang nabasa namin ay emosyon ng isang babaeng nagmahal, nasaktan at nanakit din ng kanyang kapwa.
Pero hanggang dun na lang ang masasabi namin, nahuli kasi sa biyahe ang sulat ni Ynez, marami nang sariwang isda na dumating sa pamilihan.
Bilasa at hilado na ang isyu tungkol sa kanilang tatlo, mas masarap kainin at lasahan ang sariwang isda, hindi na binibili sa palengke ang mga isdang bilasa na dahil bukod sa may malansang amoy na ay hindi pa masarap ang lasa.
Kung mapapansin ay una naming binigyan ng konsentrasyon ang panig ni Franzen at ang isinumite niyang kaso sa Quezon City RTC, ang legal separation, pagkatapos nun ay saka lang naming ibinigay naman ang panig ni Love Joy.
Hindi kami nagbigay ng opinion sa isyu at ayaw naming magbigay hanggang ngayon, dahil ayaw naming saktan ang mag-asawang kahit paano’y naging malapit sa aming puso.
Kung magbibigay man kami ng opinion ay paniguradong hindi tungkol sa kanilang dalawa, tungkol yun sa ibang tao, mga taong sa halip na maging tulay para sa pagkakasundo ng mag-asawa ay naging mataas na pader pa.