Si Joy ay tubong-Tabuc, Kalinga, pagsasaka ang ikinabubuhay sa kanilang lugar, meron siyang ipinauutang na P23,000 dun pero hindi sa paraan ng 5-6 kundi sa pamamagitan ng kung tawagin nila’y pakabanan.
"Kung kukuha po kayo ng isang libo, kapag anihan na, ang pinakatubo nun, isang kaban. Limang buwan po ang kailangan n’yong hintayin para sa isang kabang palay, 5-6 po bang maituturing ang ganun?" depensa ni Joy.
Meron din siyang listahan ng mga nagagastos nila ni Franzen, mula nung lumabas ang komedyante sa Bahay ni Kuya ay nakalista lahat yun sa mga lumang notebooks, kung paniniwalaan namin ang suma tutal ng mga nagastos at nabili nila ni Franzen mula sa mga kinita nito ay wala silang nawawalang pera.
Inamin din ni Joy na third cousin pala niya ito, pero nang kausapin sila ng kani-kanilang mga magulang na mali ang kanilang ginagawa dahil magpinsang maikatlo pala sila ay itinigil na nila ang relasyon, nagkaroon pa ng isang boyfriend si Joy pagkatapos ni Jojo bago sila nagkakilala ni Franzen dito sa Maynila.
"Kung ayaw niyang angkining anak ang ipinagbubuntis ko ngayon, magpa-DNA test kami. Pinasama na niya akong masyado, kung anu-ano nang accusations ang sinabi niya sa mga documents, huwag sana niyang pagsisihan ang mga ginawa niyang ito sa akin ngayon pagdating ng araw," lumuluhang sabi ni Joy.
"Asawa po niya ako, hindi niya ako alalay, pero kung ituring niya ako, parang PA lang niya ako, kaya talagang nagalit ako sa kanya noon," humihikbing pagtatapat ni Joy.
Masyado siyang nasaktan nung padalhan silang mag-ina ni Franzen ng mga groceries, kailangan niyang pirmahan ang papel na kasama nito, ang nakalagay dun ay pagpapatotoo na tumanggap siya ng ilang sabon, noodles, gatas at toothpaste mula sa kanyang asawa.
"Ipinabalik ko po yun sa kanya, masyado naman niya kaming ginagawang busabos, huwag na po ako, ang anak na lang naming si Ranz huwag naman sana niya kaming ginagawang kaawa-awa," sa puntong yun ay halos hindi na makahinga si Joy sa matinding pag-iyak.
Hindi niya naman minamaliit ang komedyante pero kung siya ang tatanungin ay hindi kayang balangkasin ni Franzen ang nilalaman ng dokumento ng legal separation, alam din ni Franzen kung saan pupunta ang kanilang pera at lalong alam ni Franzen na wala siyang ibang karelasyon kundi ang kanyang asawa lang.
"Naaawa po ako kay Franzen, alam ko po ang capacity niya, pero bakit siya nagpadala sa mga sulsol? Natitiis niyang hindi makita ngayon ang anak namin. Makayanan sana ng kunsensiya niya ang mga pinaggagawa niya ngayon sa aming mag-iina," umiiyak na pagtatapos ni Love Joy Fajardo.