Panalangin para kay Daboy

Hinihikayat ko ang lahat ng artista na magbigay ng panalangin sa kaibigan nating si Rudy Fernandez na nakikipaglaban sa sakit nitong Big C.

Ganundin siyempre ang dasal natin kay Lorna Tolentino at sa pamilya ni Rudy.

Alam naman nating lahat ang ginagawang pag-aalaga ni Lorna sa kanyang asawa. Pero sa kabila ng matinding pagsubok sa buhay nila, nakakatuwang nakakapagbigay pa rin si Rudy at ang kanyang pamilya ng inspirasyon at hamon sa ating lahat.

Kaya muli, tinatawagan ko ang lahat ng mga artista na tumulong sa panalangin kay Rudy para sa kanyang paggaling.
* * *
Kasama rin sa dalangin ko na kung sakaling palarin na manalo ang mga artistang kandidato ngayong halalan, sana ay talagang makatulong sila sa ating bayan.

Nawa’y makatulong silang mapagaan ang ating buhay sa pamamagitan ng pagtupad ng kanilang tungkulin.

Lalo na sa mga tumatakbong senador o congressman na silang gumagawa at nagpapasa ng batas.

Sana’y makapagpatupad sila ng batas na makakatulong sa ating mga mamamayan. Upang kahit paano ay maibsan ang hirap na kinakaharap natin sa araw-araw.

Hindi katulad ng ibang dating naluklok na personalidad sa senado at sa congress na gumawa at nagpasa ng batas pero nagpahirap at lalong nagbigay ng mabigat na obligasyon sa ating lahat.

Sana kahit ano pang posisyon mahalal ang mga kasamahan nating artista, sana’y ibigay nila ang lahat ng kanilang makakaya at magsilbing mabuting opisyal ng ating gobyerno.
* * *
May bagong mukha na namang sumisibol sa hanay ng mga StarStruck - sila Kris Bernal, Mart Escudero, Aljur Abrenica at Jesi Corcuera.

Sino kaya sa kanila ang mga susunod sa yapak nila Mark Herras, Jennylyn Mercado, Katrina Halili, Nadine Samonte, Yasmien Kurdi at marami pang iba na nauna sa kanila?

Sino kaya sa apat ang magkakaroon ng marka sa ating industriya?
* * *
Ipinaaalam ko po sa lahat na balik na ang pagpapalabas ng Walang Tulugan sa Sabado, April 14 na idadaos pa rin sa Broadway Centrum.

Makakaasa kayo ng isang masayang summer special sa Sabado at ngayong panahon ng tag-init.

Show comments