Halos buong talents ng Dos ay nasa Subic nung Linggo kaya naman alas siyete palang ng umaga ay nasa venue na ang supporters ng programa na umabot sa mahigit sa sampung libong katao kaya kinulang ang pitong tent ng paramedics para sa mga taong nahilo, nahimatay at nagkaroon ng sugat dahil sa siksikan.
Maagap ang mga bantay kaya wala namang grabeng nangyari, at hindi naman naging madamot ang mga artista para puntahan nila ang fans para kamayan at makipag-picture taking.
Pinagkaguluhan talaga ng husto ang cover boys na sina Zanjoe Marudo, John Lloyd Cruz, Rafael Rosell at iba pa, kasama rin ang cover girls na sina Roxanne Guinoo, Michelle Madrigal, Angelica Panganiban at Anne Curtis na talagang nag-enjoy ang lahat sa kaseksihan nila, Luis Manzano na kitang-kita ang malalaking muscles, ang UD4 na sina Rayver Cruz, Shaina Magdayao, Maja Salvador at John Prats, ang Pinoy Dream Academy top 6 headed by Yeng Constantino and Jay-R Siaboc, Jr, Rica Peralejo, cast ng Rounin, Toni Gonzaga, Nikki Gil, Geoff Eigenmann, at Gerald Anderson, Kim Chiu, Sitti. May pinakamaraming hiyawan at palakpakan, sina Sam Milby at Piolo Pascual.
"Hindi ko na po sila pag-aaksayahan ng panahon, basta ako, nagtatrabaho ng maayos, marami akong blessings, so hindi ko na siguro kailangang seryosohin pa at saka wala namang naniniwala. Sunud-sunod naman ang blessings ko, may pelikula ako, may soap drama, may regular shows, may concerts at may acting award trophies na naman ako, dalawa pa. So, bakit ko pa sila iintindihin?" katwiran ni Piolo Pascual tungkol sa walang katapusang isyu sa kanya sa internet.
At marami na rin daw nagsasabi kay PJ na mga fan daw na galit sa kanya na taga-US ang nagpapakalat dahil sa kanila raw nanggaling ang mga pictures since sa America nga naman sila nakunan.
"Like I said, dedma na, kasi wala namang mangyayari at saka hindi rin naman sila magtatagumpay," pagdidiin pa uli ni PJ.
Pati ang pagsuporta raw niya sa kaibigang si Yul Servo ay binibigyan ng malisya, "Kaibigan ko ‘yung tao at susuportahan ko siya hanggang kaya ko at may panahon ako," saad pa ng bida ng Walang Kapalit kasama si Claudine Barretto. – REGGEE BONOAN