Dawn, boring at hindi bagay na host ng The Buzz

Magaling ding TV host si Dawn Zulueta at hindi malayong i-consider siya sa The Buzz para mag-pinchit kay Kris Aquino after ng stint ni Ruffa Gutierrez sa April 8.

Pero nagpahayag na ang magaling na aktres na, "Ay, hindi ko matatanggap kasi boring akong host. Baka hindi ko masagot lahat ang mga itatanong na intriguing questions sa akin, kaya huwag na lang para walang isyu. Baka mabuwisit lang sa akin ang viewers ng The Buzz," paliwanag niya.

At mukhang ayaw na nga talaga ni Dawn ng intriga dahil makailang beses siyang tanungin ng TV reporters tungkol sa kanila ni Gretchen Barretto ay magalang niya itong tinatanggihan at ang katwiran niya ay, "Matagal na kaming nag-usap na wala na kaming sasaguting isyu kasi maraming nakikisawsaw, so para sa ikatatahimik ng lahat, iwasan na."

Mas gustong pag-usapan ni Mrs. Anton Lagdameo na gusto na niyang sundan si Jacobo para raw makarami hangga’t hindi pa expired ang beauty niya dahil, "Siyempre, habang maaga at kaya ko pa, sana two kids or three pa," saad ng aktres.
* * *
Nakatakdang sampahan na ng kaso ang stand-up comedian at TV host na si Teri Onor ng taong inutangan niya ng P172,000 na ilang araw na niyang pinaghintay sa bayad.

Ayon mismo sa taong taga-San Pedro, Laguna ay walang awa si Teri dahil ilang beses silang nagpabalik-balik ng Maynila para singilin at katagpuin siya, pero hindi naman daw sila sinisipot at puro pangako lang daw ang sinasabi sa text messages.

Ang mensahe raw ni Teri last Thursday morning ay, "Kuya sandali po hindi kasi ma-encash ang check dahil wala pa ang seller dito. Sa kanya kasi nakapangalan ang check. Manggagaling pa kasi siya ng Tacloban, hinihintay din siya ng financier dahil may pipirmahan ang seller."

Na sinundan nung pasado alas tres na ng hapon din ng Huwebes, "Kuya, di kasi dumating ang seller, hindi siya nakakuha ng maagang flight, hapon po ang nakuha niya. Bale bukas, (Friday) before lunch kami magkikita ng financier at seller po."

At kahapon, Biyernes habang tinitipa namin ang balitang ito ay hindi pa rin daw nakikipag-communicate ang komedyanteng aktor sa taong kausap namin.

"Sobra na si Teri, magpa-file na kami ng kaso ng abogado ko, sobrang abala na ang ginawa sa akin, wala namang nangyayari sa mga pangako niya," say sa amin.

Bale ba, balita namin ay next week na magpa-file ng candidacy niya si Teri Onor para kumandidatong Vice-Mayor ng Abucay, Bataan, hindi kaya sa Comelec pa sila magkita-kita ng mga nautangan niya ng pera? – REGGEE BONOAN

Show comments