Sana puntahan ninyo ang Paradise of Stars

Sayang at kakaunting mga artista ang dumating para saksihan ang por mal na pagbabasbas sa Paradise of Stars na matatagpuan sa kanang bahagi ng Mowelfund, katabi ng swimming pool.

Nakakataba ng puso yung mga papuri na tinanggap ko, na kesyo maganda raw at nagmukhang isang tourist attraction ang Mowelfund dahil sa aming ideya na katulong si Boots Anson Roa, exec director ng Mowelfund ay nabigyan ng katuparan.

Di tulad ng aking naunang proyekto na Walk of Fame na matatagpuan sa Eastwood, ang Paradise of Stars ay nagtatampok ng pangalan ng mga artista na nakalagay sa loob ng isang estrelya at ginamit na palamuti ng flooring ng nasabing lugar.

Bukod sa maraming pangalan na yun ng mga artista, meron ding mga standees na inilagay at ikinalat at nagbigay ng mas lalong ganda sa paligid. Yung mga lumang anunsyon sa dyaryo ng mga pelikula, mga poster na aming hiniram at pinalakihan, ang mga ito ay pinagmamasdan ding mabuti ng mga dumayo ng Mowelfund para makita ang Paradise of Stars na pinaganda ng mga inilawang puno ng Akasya na nilagyan namin ng nagkikislapang mga ilaw na korteng estrelya.

Sana puntahan n’yo ito at tingnan at sigurado ako na masisiyahan kayo. Libre lang pero, kapag kayo ay isang medyo malaking grupo, may fee na kayo na dapat bayaran. Ang pera naman ay magagamit sa pagpapaganda pa ng lugar at sa ibang proyekto ng Mowelfund.

Sana naman ma-appreciate ang aming effort na pagdating ng araw ay may ganitong lugar at bayan na makakapag-paalala sa lahat ng mga artista.
* * *
Hindi ako gaanong nalungkot dahil kahit di naman dumating yung karamihan sa mga may pangalan ay marami pa rin ang dumating at sumuporta sa akin. Tulad ng pamilya Vera Perez, si Manay Ichu at Mommy Nene Vera Perez. Dumating din naman sina Eddie Gutierrez, Eddie Garcia, Lilia Dizon, Delia Razon, Bella Flores, Gloria Sevilla na nagparinig ng mga awitin.
* * *
Mukhang gumaganda ang career ni Ryan Ågoncillo. May ginagawa siyang movie na hindi kasama si Juday, isang maliwanag na indikasyon na pinagkakatiwalaan na siya sa larangan ng pag-arte. Dati kasi ay kilala lamang siya bilang isang host.

Si Jennylyn Mercado ang kapareha niya sa My Kuya’s Wedding. First time ito ng dalawa na magkakasama sa iisang pelikula.

Okay lang kay Ryan kung hindi siya ang first choice para sa role ng Kuya. Nabalita kasing unang na-assign ito kay Dennis Trillo.

"Okay naman kami ni Dennis. We talk. Dati, magkapareho pa ang manager namin. Nagkasama rin kami sa modeling kaya hindi man kami malapit na magkaibigan, hindi rin kami magkaaway," paliwanag ni Ryan.
* * *
I’m sure malungkot si Direk Joey (Gosiengfiao) saan man siya naroroon ngayon. Akalain mo, ang dami dami niyang natulungan sa industriya, mga artista na tinulungan niyang lumaki ang pangalan pero, ni hindi man lamang nila siya nabigyan ng kahit kaunting panahon para makita at makasama siya sa kanyang huling oras dito sa mundo. Tsk. Tsk. Tsk.

Show comments