Naging nanay-nanayan din siya ni dating Sen. Loren Legarda na muling kumakandidato ngayon sa pagka-senador matapos itong maging-runningmate ni FPJ nung 2004. Ang isa pang ‘adopted’ candidate ni Mother Lily ay ang batang kongresista na si Chiz Escudero na kandidato rin ngayon sa pagka-senador sa ilalim ng Genuine Opposition (GO).
Kamakailan lamang ay nagpatawag si Mother Lily ng press conference para kay Cong. Escudero na sobrang elated sa suporta na ibinibigay sa kanya ng Regal Films producer maging ng ilang mga kasamahan sa industriya.
Unknown to many, ang misis ni Chiz na si Christine Elizabeth Flores-Escudero ay dating miyembro ng That’s Entertainment ni Kuya Germs (Moreno). Sa loob ng pitong taong pagsasama nina Chiz at Chris bilang mag-asawa ay ngayon pa lamang matutupad ang kanilang pagiging mga magulang dahil mahigit isang buwang buntis ngayon ang misis ng outspoken na batang senatoriable. Si Chiz pa mismo ang nagbalita nito sa mga taga-entertainment press.
Samantala, malaki ang maitutulong ni Chiz sa industriya ng pelikulang Pilipino kapag ito’y nahalal sa senado dahil ipaglalaban niya na maipasa ang batas na naglalayon na ma-exempt ang movie industry sa pagbabayad ng buwis.
"Nakakalungkot isipin na iba ang treatment ng gobyerno sa ating local movie industry," pahayag ni Cong. Escudero.
"Nagbibigay tayo ng tax holidays sa mga transnational companies pero pinapatay ang sarili nating movie industry ng iba’t ibang buwis," deklara niya.
"Nariyan ang 30% amusement tax, 5% witholding tax sa share ng producer sa bawat pelikula at 32% corporate income tax plus another 10% in value added tax na ipinapataw sa producer," aniya.
"Sa ibang bansa, ang industriya ay nagbabayad either sa amusement tax o VAT pero hindi pareho. Pero sa kabila ng hirap na kinakaharap ng industriya, patuloy pa rin ang paggawa ng mga pelikula na nananalo ng awards at kinikilala sa ibang bansa."
"Marami tayong competent directors, talented actors and actresses at mga producers na willing mag-invest. Ang kailangan lamang dito ay ang suporta ng ating pamahalaan," dagdag pa ng batang kongresista.
Samantala, si Direk Carlitos Siguion-Reyna ang nagdirek ng political TV ads ni senatoriable Chiz Escudero at hindi siya tumanggap ng anumang kabayaran sa kanyang serbisyo dahil sa kanyang paniniwala sa kakayanan ng batang mambabatas.