Bayani, ipinapasyal ang ina sa buong mundo!

Hindi kami magtataka kung bakit maganda ang karma ni Bayani Agbayani dahil bukod sa pagiging mabuting ama at asawa ay mabait pa rin ito sa kanyang ina. Katunayan, gusto niyang ipasyal ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa para mabigyan ng kasiyahan.

"Bata pa naman ang aking ina (69 years old) at gusto kong matikman nito ang kahit konting ginhawa sa buhay at mabigyan siya ng kasiyahan kaya nang una akong magbiyahe sa Canada ay isinama ko siya at ang aking pamilya. Ganoon pala kaganda ang Niagara Falls. Kapag umuulan ng snow ay binubuka ko ang bunganga ko para malasahan ito.

"Takot sumakay noon si nanay sa eroplano kapag nagpupunta siya sa Aklan pero ngayon kapag may biyahe ako sa abroad ay gusto niyang sumama. Naipasyal ko na rin siya sa San Francisco, San Diego at Las Vegas. Sana madala ko rin siya sa Europe balang araw," anang komedyante.

Tampok si Bayani sa palabas ng Solar Entertainment sa RPN 9 na Kemis: Ke Misis Umaasa.

Consultant din ito sa bagong sitcom nila ni Aga Muhlach sa Dos at nakalinya na ang ikatlong album nila under Alpha na naglalaman ng sariling komposisyon na pinamagatang "Huwag Mo Akong Paikutin sa Tsubibo". May gagawin silang movie ni Jinggoy Estrada after the election.
Sheree, May Sitcom
Katambal ni Bayani Agbayani si Sheree bilang si Armi na katulong ni Gordon (Bayani) sa pag-aalaga ng kanyang mga anak.

Sinabi ng seksing aktres at singer na first time niyang lumabas sa sitcom bagama’t ang talagang first love niya ay singing. Naudlot ang paglulunsad sa kanya bilang ganap na bituin sa Scorpio Nights 3 dahil nagkaroon ng problema sa rights ng movie.

Kinumusta namin sa kanya ang ex-boyfriend na si Onemig Bondoc at ayon kay Sheree ay mayroon na itong nobya na isang fashion model.
Pauleen, May Koleksyon Ng Mga Sapatos
Payat ngayon si Pauleen Luna dahil naapektuhan din sa paghihiwalay nila ni Marvin Agustin. Pahinga muna siya sa pag-ibig at gustong mag-concentrate sa kanyang career.

Nagko-collect ng sapatos ang aktres na umabot na sa 400. Ang size ng kanyang paa ay Size 9.

Ang pinakamahal nitong sapatos ay P12,000 at nabili niya ito sa NineWest sa Hongkong.

Maganda ang role niya sa Kemis na magsisimula sa March 12 sa RPN mula 8:30-9:30PM sa direksyon ni Ding Bolaños.

Show comments