Star Cinema, pinakawalan sina Juday at Ryan

Mahalaga talaga ang pagpaplano at consistency sa trabaho lalo na sa showbiz. Kaya kung ako sana sa Star Cinema, sinamantala ko ang kainitan ng tagumpay ng Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo tandem. Sabi nga nila, strike while the iron is hot. Tuloy nauna pa si Mother Lily Monteverde na pagtambalin ang mag-boyfriend sa isa pang pelikula.

Hindi mo naman masisisi sila Ryan at Judy Ann at kahit si Alfie Lorenzo, manager ni Judy Ann na hindi tanggapin ang alok ng Regal dahil syempre business is business. Tutal naman ang nilulutong project ng Star Cinema ay December pa gagawin eh natural sayang nga naman ang panahon at habang libre silang dalawa, heto si Mother Lily na handang magbigay ng trabaho sa dalawa.

Napatunayan na ang success ng tandem nila Ryan at Judy Ann kaya siguradong click ang movie na gagawin nila sa Regal.

Syempre ang malaking factor ng tagumpay ng tamabalan nila Juday at Ryan ay ang kilig factor sa totoong buhay na sinubaybayan ng masang Pinoy.

Panalangin natin na wala sanang maging malaking problema sa kanilang pagsasama. At kung mayro’n man, sana ay ma-handle nila ito ng maayos.
* * *
Sino ba ang hindi affected sa isyung Kris Aquino at James Yap na kahit saang umpukan at kuwentuhan ay pinag-uusapan ang buhay at problema ng mag-asawa?

Nagsimula rin naman si Kris sa inyong Kuya Germs at may pinagsamahan kami. Isa rin ako sa nasasaktan sa pinagdadaanan niya ngayon.

Sana hindi na lang ipinaalam sa publiko ang kanilang personal na problema. Walang magtatanong ng kredibilidad ni Kris kung hiniling niya sa publiko na ibalato na lang ang kanilang problema ni James. Irerespeto ito ng tao at mas gusto nilang maging masaya si Kris na minahal ng taong bayan.

Bakit ba kailangan pang sabihin on national tv ang problema ng mag-asawa for the sake of ratings di ba? Naapektuhan tuloy ang kanilang marriage na dapat ay prinotektahan nilang pareho, ang kanilang relasyon at ang kanilang pangalan.

Inayos na lang sana nila ang problema sa loob ng kanilang tahanan. Tutal sabi naman ni Kris, narinig na niya ang dapat niyang marinig at walang ibang mahalagang opinyon sa kanya kundi ang sinabi ni James. Kaya hindi niya sana kailangang ipaliwanag o ipaalam sa publiko ang nagaganap sa kanilang buhay mag-asawa.

Maiintindahan ito ng publiko at sana hindi ganito ang nangyari. Muli walang ibang mahalaga sa akin kundi ang kalagayan at kaligayahan mo Kris at ng inyong pamilya.
* * *
Nabigyan ako ng pagkakataong magbigay ng lecture sa batch 4 ng StarStruck. Siyempre saan ko pa ba kukunin ang experience na ituturo ko sa kanila kundi sa pinagdaanan ng mga kabataaan na nanggaling sa That’s Entertainment.

Ang una kong itinuro ay ang professionalism sa larangang pinasok nila na tinanggap naman ng mga bata. Saan ba magsisimula ang lahat kundi sa pagiging responsable sa pinili mong propesyon.

Hangad ko na marami silang matutunan at ma-develop ang kani-kanilang talento at matututo pa sila ng ibang aspeto at maging successful sa labang ito.
* * *
Congrats sa lahat ng unang batch ng ANI Awards na binigyan ng karangalan na siyang karapat-dapat naman bilang pagpapahalaga sa mga naiambag nila sa industriyang ito tulad nila Dolphy, Rogelio dela Rosa, Boots Anson Roa at marami pang iba.

Malaki rin ang tulong ng MBC sa proyektong ito ng MOWELFUND.

Show comments