Vilma di maggo-gobernador kung masisira ang pamilya

Sinabi ni Mayor Vilma Santos nang pasyalan namin siya sa kanyang opisina nung Miyerkules na kung siya ang masusunod, ang aasikasuhin na lamang niya ay ang kanyang pamilya pero, dahilan sa maraming tao ang kumukumbinse sa kanyang tumakbo sa pagka-gobernador ng Batangas kung kaya, ito ang posisyong naisip niyang takbuhan pagkatapos ng kanyang termino bilang mayor ng Lipa.

Pero, sinabi rin ng Actress For All Seasons na kung talagang tatakbo ang kanyang bayaw na si Ricky Recto sa nasabi ring posisiyon ay hindi na raw siguro siya lalaban. Ayaw niyang masira ang kanilang pamilya dahilan sa pulitika. Sinabi niyang handa siyang isakripisyo ang kanyang pagtakbo. "Family will always be my priority," aniya.

Inamin ni Vi na hindi siya magiging effective na public servant kung sira ang pamilya niya. Pangalawang prioridad lamang niya ang pulitika at ang ikatlo ay ang showbusiness.

Umaasa si Vi na maayos ang usaping ito sa loob ng kanilang pamilya, ang pamilya lamang ang mag-uusap-usap at magreresolba ng problema kung magkakaro’n man. Umaasa rin siya na sana ay maging maganda ang kanilang pag-uusap.

Nabalitaan din namin na may dalawang buwan na palang lumilibot ng Batangas, ang bayaw ni Vi na tatakbong gobernador kasama ang running mate nito, na best friend at favorite leading man ni Vi na si Christopher de Leon. –Virgie Balatico

Show comments