Michael V, naghirap sa recording rights ng mga awiting ini-spoof niya sa album

Buti naman bago nag-retired si Buddy Medina bilang managing director ng GMA Records ay nagkaroon muli sila ng isang real smash hit, ang "Michael V The Bubble G Anthology" na isang two-disc set (video na, audio pa).

Pagpasok ng bagong taon na tiyempo namang birthday ng mahusay na music executive na dating DJ during his younger years, certified platinum na ang "The Bubble G Anthology".

Kahit mabilis at malakas ang benta ng latest album ni Michael V., bago mabuo at matapos ito ay maraming hirap ang dramang naganap.

Tiyak na di makakalimutan ni Buddy ang maraming mga transaksyon upang makuha ang recording rights ng mga original songs na ginawang spoof o parody ni Bitoy.

Tulad ng "Ulan" na pinasikat ng Cueshe. Ginamit ito ni Michael V sa kanyang Bubble Gang show at binigyan niya ng bagong lyrics hanggang maging "Ulam" ang titulo.

Dahil isa ito sa mga may pinakamagagandang feedback sa mga kantang na-spoof ni Bitoy sa show, dapat lamang na makasali ito sa "Bubble G Anthology".

Kaya sinimulan ang negosasyon upang hingin ang permiso ng may-ari ng publishing rights ng "Ulan". Nagkaroon ng marami at mahaba-habang usapan over lunch and dinners. Nanghingi ng kung anu-anong kapalit ang publisher ng kanta. Kahit mahirap na tanggapin ay ibinigay ang mga hinihingi ng kabilang panig, willing nang mag-give in ang kabilang panig na gustong gumamit ng kanta.

Subalit nasayang lahat ang matitinong usapan nang bigla na lamang sabihin sa humihiram na hindi na nila ipagagamit ang nasabing kanta!

Kaya naman hindi natin maririnig at mapapanood ang "Ulam" ni Michael V sa "Bubble G Anthology".

Kahit nga wala ang kantang ito, nag-hit naman ang Michael V album. Marami kasi talagang magagandang numbers na nandoon. Tulad ng "Mamaw" na spoof ng "Narda" ng Kamikazee na tunay na isang riot number.

Included pa ang "Chaka Nya" na mula naman sa "Sa Kanya" ni Ito Rapadas ng Neocolours.

Magugustuhan din ninyo ang "Wag na Wag" na inspired naman ng Song of the Year noong 2005, mula kay Kitchie Nadal.

Kayo na ang tumuklas kung saan pa halaw ang mga bilang na "Wag N’yo Kaming Pansinin", "Isaw Nga" at "May BO Na Ako".
* * *
Noong una pa lamang lumabas ang first monster hit ni Michael V na "Sinaksak Mo Ang Puso Ko," nagsimula na siyang mahalin ng masa. Siya ang unang Pinoy recording artist na genre ng spoof o parody na tunay na naging big star.

Tulad ni Weird Al (Yankovic) sa USA, nag-iisa lang si Bitoy sa ating bansa na ang forte ay mag-spoof sa mga bumentang kanta. Kapag sinabi naming spoof/parody, laging hindi naman lumilihis sa good humor at tamang panlasa ang nagiging bagong version ng kanta. Hinding-hindi balahura at taliwas sa kagandahang asal.

Show comments