Pacquiao, iniisip pa kung gustong mag-mayor ng Gen San

Dumalo kami sa belated birthday dinner ng kilala at matapang na radio and TV journalist na si Anthony Taberna ng Dos por Dos ng DZMM at Magandang Umaga Bayan (MUB) na ginanap sa City Best Chinese Restaurant along Tomas Morato sa Quezon City nung nakaraang Jan. 19 ng gabi.

Inabutan namin doon ang kanyang magandang kasintahan (from Calamba, Laguna) na si Roselle Velasco, ilang kasamahan sa ABS-CBN News Department na sina Julius Babao, Cheryl Cosim, Aida Gonzales at iba pa.

Inabutan din namin doon ang ilang prominent personalities na nagmumula sa pulitika tulad nina Sen. Ping Lacson, DILG Secretary Ronnie Puno, Cong. Allan Peter Cayetano, Cong. Gilbert Remulla, Sen. Manny Villar at iba pa. Namataan din namin si Leah Navarro na kahuntahan ni Sen. Lacson.

Napaghalo bale ni Anthony sa kanyang birthday dinner ang ilang magkakatunggali sa pulitika. Sa pagkakaalam namin, may pitong taon nang hindi nag-uusap at nagkikibuan sina Sec. Puno at Sen. Lacson pero sa party ni Anthony ay nagkamayan sila. Hindi nga lamang namin alam kung sinsero sila sa kanilang pagkakamay.
* * *
Kinumbinse umano ng Malacañang ang boxing champ na si Manny Pacquiao na tumakbo sa pagka-mayor ng Gen. Santos City pero hindi pa ito kinukumpirma ng People’s Champ. At kung matutuloy ang pagkandidato ni Manny, magiging runningmate niya ang kanyang abogado. Pero bago harapin ni Manny ang pulitika, haharapin muna nito ang kanyang nalalapit na laban sa buwan ng Abril. Pero kung ang ina ni Manny na si Aling Dionisia ang masusunod, mas gusto nito na sa boxing na lamang mag-concentrate ang kanyang anak.

Habang papalapit na ang deadline ng pagpaparehistro ng mga magnanais tumakbo sa halalan, tiyak na marami pang pangalan na nagmumula sa showbiz ang inaasahan.

Samantala, undecided pa rin ang last termer bilang mayor ng Lipa City na si Vilma Santos kung pagka-gobernador ng Batangas o sa kongreso ang next target niya. Kung pagka-governor ang next na tatakbuhan ni Vi, makakabangga niya ang kanyang brother-in-law na si Vice-Gov. Ricky Recto na nagpahayag na ng kanyang desisyon na tumakbong gobernador ng Batangas. Sa ngayon, pinag-uusapan pa umano nila ng kanyang mister na si Sen. Ralph Recto at ng kanilang mga supporters kung anong posisyon ang kanyang susunod na susungkitin.
* * *
Nais tapusin ng actor-politician na si Mark Lapid ang three terms bilang governor ng Pampanga. First term pa lamang ito ni Gov. Mark at pagka-gobernador pa rin ang kanyang tatakbuhan sa nalalapit na halalan.

Mukhang wala namang atrasan ang pagkandidato ni Sen. Lito Lapid sa pagka-alkalde ng Makati City vs Jejomar Binay.

Kapag weekend ay kumpleto ang pamilya ni Sen. Lapid sa kanilang tahanan sa Porac, Pampanga. Naroon ang kanyang mga anak na sina Gov. Mark Lapid (27), Ma-an (25), Mitchie (24) at bunsong si Maynard (22). May asawa na rin sina Ma-an at Mitchie at may tig-iisang anak na lalaki kaya may dalawang apo na rin si Sen. Lapid at asawa nitong si Marissa Tadeo-Lapid.

Kahit may asawa na ang dalawang anak, ayaw ni Sen. Lapid na mawalay sa kanya ang mga anak at mga apo kaya sa iisang bahay sila nakatira. Kung gusto namang bumukod ng mga ito, gusto niya na sa loob pa rin ng kanilang compound magpatayo ng bahay ang mga ito. After all, 15 hectares ang lawak ng kanilang lupain kung saan nakatayo ang kanilang malaking bahay.
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments