Nyoy, kumanta for Chin-Chin kahit ‘di kilala

Kahanga-hanga ang gesture na ginagawa ng singer-businessman na si Richard Merk sa pagi-initiate ng fund-raising shows/concerts para makatulong sa kanyang mga kasamahan sa industriya kahit hindi niya gaanong ka-close ang mga ito. Ilan sa mga ito ay sina Paquito Diaz, Tata Mara, the late Eddie Mercado, the late Louie Camino at iba pa and lately, ang aktres at environmentalist na si Chin-Chin Gutierrez na nasunugan ng bahay at namatayan pa ng ina.

Ginanap ang fundraising show para kay Chin-Chin na pinamagatang Cheers to Life nung nakaraang Enero 15 (Lunes) sa Merk’s Bar Bistro sa Level 3 ng Greenbelt 3 na pag-aari ng mag-asawang Richard at Roni Merk.

Kung tutuusin, hindi gaanong close sina Richard at Chin-Chin pero ang sinapit ng aktres nung nakaraang Disyembre 20 ang nagbunsod kay Richard ng isang fundraising show.

Kahit nakaburol pa ang kanyang ina, personal na dumalo si Chin-Chin sa fundraising show at hindi maiwasan ng aktres ang maiyak sa gesture na ipinakita ng mga performers na binubuo nina Montet Acoymo, Megan Aguilar, Noel Cabangon, Jong Cuenco, Mon David, Ricky Davao, Buboy Garovillo at Danny Javier ng Apo Hiking Society, John Lesaca, Gary Lising, Giselle Sanchez, Noel Trinidad, Nyoy Volante, the Greyhoundz (na siyang tumulong kay Chin-Chin para mailigtas ang kanyang ina), Nityalila, Derf’s Sound Avenue kasama sina Carl Balita at Nonie Yambao at iba pa. At siyempre pa si Richard Merk na hindi lamang nag-host kundi nagpaunlak din ng ilang jazz songs.

Ayon kay Nyoy, hindi umano sila magkakilala ni Chin-Chin, pero dumating siya sa Cheers to Life fundraising show para makatulong sa sinapit ng aktres.

Bukod sa mga performers, may mga dumating ding ibang celebrities para magpakita ng suporta tulad nila Jeffrey (Epi) Quizon, Emil Arcilla, Narnie Arcilla, Felix Ang at Cito Beltran na nagbigay ng dalangin para kay Chin-Chin.
* * *
Maganda ang teamwork nina Keempee de Leon at Francine Prieto sa Bahay Mo Ba ‘To kaya hindi nag-atubili ang GMA-7 management na bigyan ang dalawa ng panibagong show (sa QTV-11), ang Bongga Ka Star na dating hawak ni Jolina Magdangal at napapanood tuwing Linggo mula alas-5 hanggang alas-6 ng hapon.

Parehong natutuwa sina Keempee at Francine na tanggap ng audience ang tambalan nilang dalawa. May mga pagkakataon pa nga na nali-link ang dalawa sa isa’t isa pero panay ang kanilang tanggi.

Sa kabila ng gay role ang ginagampanan ni Keempee sa Bahay Mo Ba ‘To, never na napagdudahan ang kanyang gender.
* * *
Plano ng 1st Philippine Idol na si Mau Marcelo na mag-relocate sa Maynila mula sa kanyang hometown sa Lucena City dahil sa kanyang trabaho.

Sa launching ng kanyang CD-Lite album under Sony-BMG na pinamagatang "On My Own," sinabi ni Mau na ang kanyang nakuhang cash prize na isang milyong piso (minus 20% tax) ay malaki ang naitulong sa kanyang pamilya.

Hindi man pinalad noon si Mau sa Star for a Night kung saan si Sarah Geronimo ang naging kampeon at pumangalawa naman si Mark Bautista, pinalad naman siya na maging kauna-unahang Philippine Idol.

Sa February 9, si Mau ang mangunguna sa Valentine concert sa Araneta Coliseum na pinamagatang Valentine’s Final 12 na tinatampukan din ng 11 finalists ng Philippine Idol na sina Jan Nieto, Gian Magdangal, Miguel Mendoza, Pow Chavez, Ken Dingle, Apples Chiu, Jeli Mateo, Reymond Sajor, Drae Ybañez at Stef Lazaro.
* * *
Erratum: Gusto lamang naming i-correct ang item na lumabas sa aming kolum nung nakaraang Biyernes (Jan. 19) kung saan na-mispelled namin ang apelyido ng American husband ng singer na si Joanne Lorenzana na Bowler sa halip na Blower. Ang amin pong paghingi ng paumanhin.
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments