Piolo, dadalhin ang pamilya sa China

Mabait sa pamilya si Piolo Pascual at ang wish nito ay maisama sila sa isang trip sa China. Noong nakaraang Biyernes ay kaarawan niya pero nag-taping lang ito para sa bagong teleserye nila ni Claudine Barretto na Walang Kapalit.

Gusto niyang makipag-bonding sa pamilya at magkaroon ng family reunion kaya umaasa ito na matuloy ang kanilang biyahe. Bukod sa teleserye ay may ginagawa itong pelikula na pagtatambalan nila ni Regine Velasquez. Pero naghahanda na ito sa kanilang concert ni Sam Milby na idaraos ngayong Pebrero 2 and 3 sa Music Museum at ispesyal niyang bisita ang kanyang Mommy Amelia na manonood ng concert.
Idolo ni Yllmaz
Sa press presentation ng Final 14 ng Philippines Next Top Model ay nainterbyu ng ilang press people si Ruffa Gutierrez na siyang host ng reality show sa Channel 9.

Tinanong sa kanya ang relasyon ng kanyang asawa sa kanyang pamilya.

"First time na dito nag-Christmas si Yilmaz at sinabi niyang taun-taon ay dito na siya magpapalipas ng Kapaskuhan dahil masaya kung saan may family reunion, pa-raffle at party. Sa Istanbul ay di ipinagdiriwang ang Kapaskuhan. Magkasundo silang dalawa ni daddy at nang umalis siya ay sumulat ito kay dad at nagpasalamat sa kanyang kabaitan at mabuting pagtanggap sa kanya ng pamilya. Would you believe na sinabi pa ni Yilmaz na idolo niya si dad dahil mabait at magaling pang artista," anang host.

Nalungkot si Ruffa sa ilang kandidata ng PNTM na hindi pumasok sa Final 14. "Gusto kong maluha dahil kailangan nilang kumita ng pera dahil financially hard-up ang pamilya. Ang pagiging modelo ang mag-aangat sa kanilang kabuhayan pero di pinalad na makapasok sa Final 14," dagdag pa nito.
Ara-Polo, Di Totoong Nagkakalabuan
Nakausap ko sa phone si Ara Mina para tanungin kung totoo ba ang balitang nagkakalabuan na silang dalawa.

"Tita, di ko nga alam kung saan nanggaling ang balitang yan. Going strong pa rin ang relasyon namin ni Polo at hindi totoo na nagkakalabuan na kami," anang aktres.

Ayon pa rin kay Ara, hindi siya apektado sa naglalabasang tsismis tungkol sa kanilang dalawa ni Polo.

Naghahanda na ang magandang aktres sa kanyang concert this February kung saan ang malilikom na pera ay mapupunta sa kanyang foundation na tutulong sa mga kapus-palad.
Romnick, pasok sa Bakekang
Sa linggong ito (surprise ang araw) ay papasok na sa Bakekang si Romnick Sarmenta. Gagampanan nito ang role ni Francis na anak ng prodyuser at ex-boyfriend ni Valeria (Sheryl Cruz). May isa ring karakter na babalik at siyang magbibigay ng problema kay Bakekang.

Sa kabilang banda, nagalit si Valeria dahil sa pagpayag ng kanyang anak na si Loraine (Nadine Samonte) na gumawa ng movie kasama si Kristal (Lovi). Matutuwa si Bakekang dahil may career uli ang kanyang anak. Biglang dumating ang ama ni Charming (Yasmien Kurdi) na si Carl kaya imbyerna ito. — EMY ABUAN-BAUTISTA

Show comments