Hindi naman itinanggi ng taga-Dos na inoperan nila ng malaki at mas maraming shows si Jake kaya ito lumipat sa kanila at so far ay happy daw ang aktor sa magandang ibinibigay sa kanya ng Kapamilya network.
At ang kundisyon, hindi pupwedeng mabakante ang aktor, kailangan may ibibigay sa kanyang show kapag may nawala na tulad ng Love Spell na unang nilabasan ni Jake kasama sina Angelica Panganiban, Jason Abalos, at Maja Salvador ay kaagad na pinalitan ng Pedro Penduko bilang ka-love triangle nina Matt Evans at Melissa Ricks na hanggang sa matapos ang nasabing episode sa Marso ay buhay si Jake.
Ngayon ay may bagong soap drama nina Gerald Anderson at Kim Chiu na Sana Maulit Muli na airing na sa Lunes (January 8) ay ka-join uli si Jake bilang kapatid ni Gerald. At balita rin namin ay makakasama niya si Aga Muhlach sa new show nito this year.
Nagulat kami nung banggitin ng mag-asawang Ong na mas feel nilang gamutin ang mga walang pera kesa sa may pera, abay kung iisipin mo, e, malaking kalokohan iyon dahil kaya nga naniningil ng mahal ang mga doktor ay dahil para mabawi ang ipinang-tuition nila sa pag-aaral ng ilang taon, di ba tita Vero?
Anyway, iba pala ang layunin nang mag-asawang ito dahil mas magaan daw ang pakiramdam nila kung mahihirap ang ginagamot nila at kung may pasyente naman daw silang may pera ay minimum lang daw ang sinisingil nila at pinaka-murang treatment na affordable ang isina-suggest.
"Wala naman kaming tinatapakang kasamahan naming doktor, ito kasi ang layunin namin, depende rin kasi sa paniniwala yan ng pasyente," katwiran ni Dr. Willie.
Kung mayroong Mobile Kusina noon ang GMA-7, ngayon ay Mobile Clinic naman ang dala-dala ng mag-asawang Willie at Liza at ang pagkaka-iba ng programang ito sa iba ay realidad ito, ipapakita kung saan at sinu-sino ang mga taong ginagamot nila sa ibat ibang lugar ng Metro Manila.
"Hindi lang naman po sa Metro Manila ang plano naming puntahan, maging sa buong Luzon, Visayas at Mindanao, mas gusto nga po naming dalawin ang mga lugar na walang health centers lalo na ang mga liblib na areas. Documented po lahat ang mangyayari dahil kukunan namin na siyang ipalalabas sa Makabayang Duktor," esplika ni Dra. Liza.
Kilala sa larangan ng panggagamot si Dr. Willie Ong at sa katunayan ay marami na siyang awards at citations na natanggap at na-feature na rin siya sa ibat ibang babasahin.
At sa mga gustong magpagamot kay Dr. Willing Ong sa puso ay maari siyang dalawin sa Makati Medical Center, Room 214 Main Building, Tuesdays 9AM-12NN o tumawag sa 867-2691 at Manila Doctors Hospital, Room 401 MAC Building Mon and Thurs 12-3PM or call 521-5768. Reggee Bonoan