Kuya Germs, lifetime achievement awardee sa LA

Ayaw ni Kuya Germs na isali ang kanyang pangalan sa Walk of Fame, dahil siya nga naman ang nag-aasikaso nito. Bukod sa ideya niya ito ay parangal ito sa kanyang mga kapwa artista, hindi para sa sarili niya. Pero ang isang taong kagaya ni Kuya Germs na napakarami na ngang kontribusyon sa industriyang kanyang ginagalawan ay hindi maaaring hindi rin parangalan, bagama’t noong mga nakaraang panahon, marami na rin siyang awards na natanggihan. Sinasabi niyang baka naman may iba ring karapat-dapat na parangalan, unahin na ang mga yon at saka na lang siya.

Pero sa February 4, 2007, si Kuya Germs ang siyang tatanggap ng lifetime achievement award mula sa Celebrity Chronicle, isang Filipino entertainment newspaper sa Los Angeles. Iyan ang sinasabi sa amin ng editor-publisher ng nasabing diyaryo na si Tony Vizmonte. In fact ipinaalam na rin niya yon kay Kuya Germs.

Noon kasing huling punta ni Kuya Germs doon, nagkuwento siya tungkol sa kanyang buhay, at sa naging pagsisikap niya bilang isang artista, mula sa pagiging isang janitor at telonero sa Clover Theater hanggang sa tanghalin nga siyang master showman.

Nang marinig ng board ng Celebrity Awards ang kwentong iyon ni Kuya Germs, at dahil na rin sa inspirasyong nakuha ng mga kabataan sa kanyang buhay, hindi na sila nagdalawang isip at sinabi na agad nila na walang ibang dapat bigyan ng lifetime achievement award dahil sa kanyang nagawa para sa entertainment industry kundi si Kuya Germs na nga.

Hindi pa sure kung pupunta si Kuya Germs sa Amerika para personal na tanggapin ang kanyang award. Alam naman kasi nila kung gaano rin siya ka-busy, pero kung hindi nga raw siya makakarating, si Tony Vizmonte mismo ang uuwi sa Pilipinas para personal na ibigay kay Kuya Germs ang kanyang lifetime achievement award. – ED DE LEON

Show comments