Roxanne, Joross, after the break-up

Kaya nga sinabi ko na di ako pwedeng mag-artista dahil tulad nina Joross Gamboa at Roxanne Guinoo, hinding- hindi ko maitatago ang anumang nararamdaman ko, lalabas at lalabas ito. Tulad ng nangyari sa kanila sa presscon ng kanilang Love Spell na pinamagatang Line To Heaven, halatang may damdamin pa sila sa isa’t isa. Ewan ko lamang kung paano nila nagawang umarte ng normal habang ginagawa nila ang taping gayong di pa nalalaunan nang mag-break sila.

Lalo na si Roxanne na bagaman at nakatawa ay alam mo na naro’n pa rin ang pait ng nangyari sa kanyang dibdib. Kita mo ito sa kanyang pagsasalita at pagsasagot sa mga tanong ng press.

"Di mo naman maiaalis na magkaro’n pa kami ng damdamin sa isa’t isa, kailan lamang kami nag-break at matagal din ang nagiging relasyon namin. Ang maganda lamang ay magkaibigan na naman kami, at sa pagpapatuloy ng araw, magiging maganda ang aming samahan," ani Roxanne na hindi naman itinago na first boyfriend niya si Joross.

Inamin din ng dalawa na iniingatan pa rin nila ang mga larawan nilang magkasama at ang mga regalo nila sa isa’t isa.

"Yung mga regalo niya ay inilagay ko sa isang lalagyan at itinago ko," pagtatapat ni Roxanne.

"Nasa kwarto ko pa rin ang mga manika naming sina Chuckie at Bride of Chuckie," ani Joross naman.

Ang hindi lamang masasagot ng dalawa ay ang tsansa ng pagbabalikan nila. Since magkasama silang muli, baka raw ma-rekindle ang init ng dati nilang pagtitinginan pero, nauna na si Joross na magsasabi na, "Hindi namin alam, hintayin na lamang natin ang panahon na magsabi nito."

Si Roxanne si Nikka sa Love Spell, pasaway at masyadong mapapel. Naglayas ito nang di matanggap ng parents niya ang boyfriend niyang pankista. Sa bus na sinakyan niya ay nakilala niya si Raffy (Joross), isang nakakainis na binata. Pero bago pa tuluyang mainis si Nikka sa kanya, may trahedyang mangyayari sa kanila.

Kasama sa episode sina Joaqui Mendoza, Brenda Fox, Melanie Marquez, Gloria Diaz at palabas na ito sa January.
* * *
Hindi kataka-taka kung patuloy na maging matagumpay sa kanyang career si Richard Gutierrez dahil marunong siyang mag-share ng kanyang blessings. Akalain n’yo bang nagpa-party ito sa press at napakarami ng kanyang ipina-raffle. Bukod dito ay namudmod pa siya ng mga ampao na naglalaman ng pera. Nakatulong niya sa pag-aasikaso ng press ang kanyang inang si Annabelle Rama, ang kakambal niyang si Raymond at ang PRO nilang si Jun Lalin.

Nagpa-contest din ng bagong titulo para kay Richard at nanalo sina Ronald Constantino at Liza Endaya.

Si Richard si Nathan, isang Pinoy, sa Mano Po 5: Gua Ai Di na na in love kay Charity Kho, played by Angel Locsin. Kasama rin si Christian Bautista, bilang si Timothy na gusto ng pamilya ni Angel para sa kanya dahil isa rin itong Tsino.

Kasama rin sina Lorna Tolentino, Gina Alajar, Tirso Cruz lll, Jaclyn Jose, Ethel Booba, Ketchup Eusebio, AJ Dee, Ella Guevara at marami pang iba.
* * *
E-mail: veronica@yahoo.com

Show comments