Vic, igagawa ng movie si Pia?

Ang writer na si Bibeth Orteza ang nakaisip ng Enteng Kabisote. Ang salitang kabisote ay para kay Aiza Seguerra na matatas ang memorya noon bilang isang child star. Madali niyang makabisado ang mga dialogue at doon nabuo ang kabisote.

Ngayong nasa ikatlong sequel na ang Enteng Kabisote, klinaro ni Direk Tony Reyes na bawat sequel ay iba ang istorya sa dalawang nauna. Ang Enteng Kabisote 3 ay siya umanong pinakamalaki kumpara sa dalawang nauna in terms of cast at production value.

Kahit siyam na pelikula ang maglalaban-laban simula sa December 25, sinabi ni Vic na hindi umano siya nakikipagkumpetensiya sa ibang pelikula na kalahok sa MMFF.

"Ang gusto naming i-compete ay ang record ng dalawang naunang Enteng Kabisote. Sana, mapantayan namin o kung hindi man ay malagpasan namin ang naitala ng Enteng Kabisote 2," asam ni Vic.

Sa presscon pa rin ng Enteng Kabisote 3, sinabi ni Vic na baka gumawa siya ng pelikula na si Pia Guianio naman ang kanyang kapareha kaya cameo role lamang ang ginawa nito sa Enteng. Mukhang matutuloy na rin ang pagtatambal nina Vic at Dolphy na silang dalawa ang magsososyo. Bakit kaya hindi na lamang sina Zsazsa Padilla at Pia ang kunin nilang kapareha kapag natuloy ang project?
* * *
Magkasama ngayon ng tirahan ang magkapatid na Ehra at Michelle Madrigal at nakabukod sila ng tirahan sa kanilang mommy, ang dating sexy star na si Karla Kalua.

Si Ehra na mismo ang nagsabi na hindi totoo ang balitang lumabas na break na umano sina Michelle at boyfriend nitong si Victor Neri. Going strong pa rin umano ang relasyon ng dalawa habang si Ehra naman ay ganoon din sa kanyang boyfriend na si DJ Mike Salomon ng Akafellas.

Samantala, pinabulaanan din ni Ehra ang balita na lilipat umano siya sa ABS-CBN kung saan nakakontrata ang kanyang nakababatang kapatid. Masaya na umano siya sa Kapuso Network although wala naman siyang exclusive contract doon kundi sa kanyang manager na si Annabelle Rama.
* * *
Mahigit dalawang taon nang hiwalay ang dating magkasintahang Jennylyn Mercado at Mark Herras pero hanggang ngayon ay maganda pa rin ang kanilang working relationship.

"Mahal mo pa ba si Jen?" tanong namin kay Mark sa presscon ng Super Noypi.

"Siguro sa ibang level na, bilang kaibigan na lamang," aniya. "Matagal na rin naman kaming break but I have to admit na nami-miss ko rin ang kanyang pagiging caring nung kami pa."

Pagkatapos ng break-up nila ni Jen, naging open siya sa kanyang panliligaw kay Marian Rivera pero ito’y nahinto nang gawin nina Mark at Jennylyn ang I Luv NY. Nanligaw din siya sa kaisa-isang anak ni Jean Saburit na si Nicole Anderson pero umatras siya dahil hindi umano niya kaya ang lifestyle nito. Sa ngayon ay loveless si Mark. Hindi rin umano totoo ang balita na nanliligaw siya kay Katrina Halili na kasamahan nila ni Jen sa SuperNoypi. — Aster Amoyo

Show comments