Showbiz Trivia

Maraming mga readers ng PSN ang nag-request na magsulat muli kami ng mga showbiz trivia. Nasisiyahan daw silang basahin ang mga kuntil-butil tungkol sa Pinoy entertainment, kaya’t pagbibigyan ko kayo.

Alam ba ninyo na si Ronnie Henares na isang leading talent manager ngayon ay dating recording artist at isa sa mga sumikat na duets noon na ang pangalan ay Two Of Us? Ang kanyang kasama ay si Jojit Paredes, na isang government executive nang iwan ang showbiz.

Bukod sa husay sa pagkanta, isang champion orator/declaimer si Ronnie Henares. Siya ay naging nationwide champion sa very prestigious na Voice of Democracy oratorical contest. Bago ka makapunta sa national championship, dapat manalo ka muna sa district, city, divisions at marami pang eliminations.

Isa sa mga national finalist na nakalaban ni Ronnie noong year na magwagi siya ay si Tina Monzon Palma, na isa ngayong very respected at multi-awarded broadcaster.
* * *
Ang dating Esperanza Fabon na kasabayan nina Nora Aunor sa mga tanyag na programang Operetang Putol-Putol ni Johnny de Leon at iba pa, ay isa nang judge at naka-assign ngayon sa Pasig Regional Trial Court.

Matatapos na ng kanyang doctorate degree si Judge Fabon at kapag naging Doctor of Laws na siya, malamang na tumaas pa ang kanyang posisyon sa hudikatura.
* * *
Maraming mga sumikat at nakagawa rin ng mga pelikula ang galing sa Tawag ng Tanghalan bukod pa kay Nora Aunor. Ilan sa kanila sina Edgar Mortiz (na direktor na ngayon), Diomedes Maturan, Ric Manrique, Jr., Novo Bono, Jr. at Cenon Lagman.

Si Regine Velasquez naman ay naging grand champion ng Bagong Kampeon.

Sa dating toprating noontime show na Student Canteen hosted by Leila Benitez, Eddie Ilarde at Pepe Pimentel, marami rin ang mga naging big stars tulad nila Marco Sison, Rene Ibañez, Joan Soza at ang yumaong Helen Vela, na naging Student of the Month sa nasabing singing contest.
* * *
Ang scriptwriter/director na si Lando Jacob (na nanalo ng Urian Award para sa Pagputi ng Uwak at Pag-itim ng Tagak) ang siyang stunt double ni Vilma Santos sa kanyang mahihirap na eksena.

Pinapagawaan ng mga damit o costume na pareho ng kay Vilma si Direk Lando tulad nang ibitin siya sa mataas na tore ng kampanaryo ng ilang minuto.
* * *
Si Senador Lito Lapid, bihirang magpa-double sa kanyang mga mahihirap at totoong nakakamatay na mga eksena sa pelikula. Palibhasa isa siyang dating mahusay na stuntman bago naging bida, kaya’t kayang-kaya niya ang mga patalun-talon sa matataas na building.
* * *
Noong ilabas ang unang album ni Sheryl Cruz at naging platinum pa, marami ang nainggit at pinagkalat pang may ghost singer si Sheryl, para masira ang kanyang credibility as a recording artist.

Sa totoo lang, nakabantay kami sa mga recording ni Sheryl at nasaksihan namin kung paano siya mag-recording at nagtiyagang maging maaayos at mahusay ang kanyang pagkanta.
* * *
Noon ay tumanyag si Tet Antiquiera (S.L.S.) bilang isang sexy star na hindi marunong mag-panty. Ang totoo, isa lang itong promo gimmick para sa kanyang pelikula.

Kahit sabihing very daring si Tet, hinding-hindi siya nakakalabas ng bahay o nakakapag-shooting ng walang suot na underwear.

Show comments