Pamilya ng actress, sobrang mag-demand

May rason pala talaga ang actress na huwag kausapin ang kanyang pamilya ayon sa source. Eh kasi naman pala, grabe ang pamilya ng actress. Porke’t alam nilang mayaman ang dyowa ng actress, parang gusto raw nilang maki-share sa yaman ng partner ng anak nila. Eh kaso ayaw daw ng ganun ng actress. Ayaw niyang lumabas na nanamantala siya kaya instead na sundin ang gusto ng kanyang pamilya na mamuhay din ng sobrang rangya, nagkaroon ng issue na yumabang pa ang actress. Ang ending, naimbyerna pa ang pamilya niya sa actress na reason ngayon kung bakit hindi sila nag-uusap na magpapamilya.
* * *
Nagawa n’yo na bang manood ng sine ng dalawang magkasunod na pelikula na ang una ay katatakutan tapos ang isa ay iyakan?

Well, ganyan ang ginawa namin last Tuesday.

Una naming pinanood ang ‘Wag Kang Lilingon (Star Cinema) tapos sinundan ng Inang Yaya sa review ng Cinema Evaluation Board (CEB).

Parehong maganda ang movie na magkaiba ang genre. Ang ‘Wag Kang Lilingon, nag-start nang mapanood sa Metro Manila theater yesterday ay horror, samantalang ang Inang Yaya na showing sa November 29 ay drama.

Sobrang matatakutin pala itong si Direk Joyce Bernal, kaya ang ending, scream-to-the-max kami habang palabas ang Wag Kang Lilingon.

Grabe kasi ang mga eksena sa dalawang episode ng ‘Wag Kang Lilingon. Sus, nakakagulat pati sound effects.

Maganda ang role ni Marvin Agustin at silang dalawa lang ni Anne Curtis ang bida sa Uyayi episode.

Unpredictable ang nasabing episode na may connection sa second episode, Salamin starring Kristine Hermosa and Cherry Pie Picache.

Actually, hindi ko agad nahulaan na ganun ang connection kaya dapat n’yong panoorin ang movie.

Anyway, matagal-tagal na rin akong hindi nakakapanood ng sineng Tagalog na nakakaiyak. As in cry me to the river habang pinanonood ang pelikula.

Well, sa Inang Yaya ganito ang mapi-feel once na panoorin n’yo ang nasabing pelikula ni Maricel Soriano.

Kung scream si Direk Joyce sa ‘Wag Kang Lilingon, iyak din siya nang iyak sa Inang Yaya. Naalala raw kasi niya ang kanyang only daughter sa mga ilang eksena sa pelikula.

Malinis kasi ang pagkagawa ng movie at parang hindi digital ang texture.

Kung magaling si Maricel Soriano sa movie, magaling din ang dalawang bagets. Parang wala silang effort na umarte, natural ang attack nila sa mga eksena.

After the movie, namamaga ang mata ni Direk Joyce.

Hay, sarap manood ng mga ganitong pelikula. Sana nga pareho itong kumita dahil sayang naman kung hindi n’yo mapapanood.

Walang magandang movie lately. Lahat English ang showing last week. At ito ang nakaka-sad, one time, nag-watch kami ng friend ko ng movie, believe it or not, dalawa lang kami sa loob ng sinehan samantalang first week run pa lang ng isang English movie, grabe.

Anyway, sana nga sa mga ganitong Tagalog films ang magbalik ng interes ng marami na manood ng sine.
* * *
Salve V. Asis’ e-mail - salve@philstar.net.ph

Show comments