80th b-day ni Dolphy, pinaghahandaan na ni Zsazsa’t mga anak!

Maganda na naman si Zsazsa Padilla nang humarap sa media para sa unang presscon ng kanyang pelikulang Zsazsa Zaturnnah na isa sa siyam na MMFF 06 entries.

Parang kailan lang nang makita siyang payat na payat at nanlalalim ang mga pisngi’t mata pero, eto na siya, tatlong linggo lamang matapos ang kanyang bladder bypass at di lamang niya na-recover ang kanyang dating pangangatawan at ganda. Para nga siyang di nagkasakit gayong isang mahirap na operasyon, pitong oras, ang pinagdaanan niya.

Inamin ni Zsazsa na talagang pinilit niyang maging aktibo agad para sa madali n’yang paggaling. Katunayan, nasa ospital pa siya’t nagpapagaling ay dumalo na siya sa blessing ng restaurant ng best friend niya, nagpaalam lamang siya sa mga doktor niya.

"Mabuti na lamang at natapos na namin ang principal shoot ng ZsaZsa Zaturnnah bago ako naoperahan, kundi baka nakita yung operation scar ko. At baka di ko nakayanan yung napaka-physical na demand ng movie. Alam n’yo bang nagkasugat-sugat ako habang ginagawa ko ang ZsaZsa? Dalawang beses din, akong nadapa," aniya sabay pakita sa amin ng mga galos niya sa mga kamay at tuhod na tinatawag niyang Zaturnnah’s scars.

Bukod sa postprod ng Zsa Zsa, pinaghahandaan na rin ni Zsazsa, kasama ang mga anak na sina Zia at Nicole, ang 80th birthday ni Dolphy next year.

"Gagawin namin itong bongga, ang theme ay 20s, Godfather, si Dolphy ang gagawin naming Marlon Brando, complete with hat," kwento ng aktres who admitted na pinaka-malaking inspiration niya sa pagganap ng ZsaZsa Zaturnnah ay si Dolphy. "Yung mga atake ko ng role ko, parang si Dolphy. I remember before na every time na makita kong nagba-bading si Dolpy ay nata-turn off ako dahil parang totoo siyang bading. Sa mga ganitong role, I think lahat ng comedian, pati si Vic Sotto, ay may influence ni Dolphy," dagdag pa niya.
* * *
Nari-remember pa rin ng mga Pinoy si Lani Misalucha. Katunayan, kahit wala ito rito para mag-promote ng album niya ay nangunguna pa rin ito sa music charts.

Naririnig na ang "Christmas Won’t Be The Same Without You", isang cut sa album na ipinamamahagi ng Universal Records. At kahit na ang 14 na awitin na nakapaloob sa album ay hindi mga original at kinanta na ng iba ("Very Special Love", Maureen McGovern, "I Just Wanna Stop", Gino Vannelli, "I Live For Your Love", Natalie Cole, "Love Me Again", Lani Hall, "Come In From the Rain", Diana Ross, "Someone in the Dark", Michael Jackson, "A Certain Sadness", Astrud Giberto, to name a few), gusto pa rin itong pakinggan ng mga kababayan niya rito na marahil ay nami-miss na siya ng husto o di kaya naman ay feeling victorious sa tagumpay niya sa Las Vegas.
* * *
Cinemanila lang pala ang makakapagbigay ng recognition kina Brillante Mendoza na nanalong best director para sa Manoro na nanalong best picture. Best actress naman si Maricel Soriano para sa Numbalikdiwa at best actor si Archie Adamos.
* * *
E-mail: veronica@philstar.net.ph

Show comments