Matt, kilala nang Pedro Penduko pero, sumasakay pa rin sa jeepney at tricycle hanggang ngayon!

Maswerte pa rin si Matt Evans kahit natalo sa Pinoy Big Brother Teen Edition dahil pinagkatiwalaan siya ng ABS CBN ng isang serye, ang Pedro Penduko na kung saan siya ang nasa title role. Mataas ang ratings ng show kaya marami na ang nakakakilala ngayon sa 18 taong gulang na artista na sa kabila ng kasikatan ay sa jeepney pa rin sumasakay o kaya ay sa taksi. "Sumasakay rin po ako sa tricyle," ang may pagmamalaki niyang sabi.

Pero, nag-ipon si Matt mula sa kita niya at dahil b-day niya nung Okt. 22, bumili siya ng kahit isang segunda manong sasakyan para magamit niya sa kanyang trabaho.

"Nagpaayos pa po kasi ako ang bahay namin at tumutulong ako sa gastos sa bahay kaya okay nang 2nd hand muna," anang Fil-Am boy na kahit hindi na nakita ang kanyang ama ay masaya naman sa piling ng kanyang ina, amain at mga kapatid sa ina. Masaya rin ang naging b-day niya dahil binigyan siya ng regalo ni Olyn Maimban, ang babaeng sinasabing apple of his eyes at kasama niya sa Pedro Penduko at naka-close sa PBB.

Bukod sa pagiging isang artista, isa ring mahusay na composer si Matt. Nakagawa na siya ng siyam na komposisyon at tinutugtog nila ito ng kanyang bandang Cherokee na kasama na niya bago pa siya nag-PBB.
* * *
Nagpapasalamat nga pala ako kay Paul Cabral at Brillante Mendoza sa pasalubong nilang rosaryo na nagmula pa sa Roma. Ganundin kay Kuya Germs sa dala niya from Hawaii na necklace na ang pendant ay isang tsinelas na puno ng nagkikislapang bato. Isa pang karagdagan sa aking shoe collection.
* * *
Mukhang balik sa dating tahimik ang life ni Toni Gonzaga na nung makatambal si Sam Milby sa TV at maging sa pelikula ay inulan na ng maraming kontrobersiya at intriga.

Habang tumatakbo pa ang Crazy For You nila ni Luis Manzano, at isa sa wacky anchors ng Wazzup Wazzup kasama sina Vhong Navarro at Archie Alemania, host din ng Pinoy Dream Academy ito with Nikki Gil at Bianca Gonzales.

Kasabay ng pagiging host sa TV, nagpu-promote din si Toni ng kanyang "You Complete Me" album under Star Records. Nakagawa na ito ng mga hits tulad ng "We Belong", theme song ng Koreanovelang Wonderful Life at ang remake ng "Kapag Tumibok ang Puso" ni Donna Cruz na ginamit sa pelikulang may kapareho ring pamagat at tinampukan nina Bong Revilla at Aiai delas Alas.

Aapat na buwan pa lamang na naire-release ang album pero naging gold na agad ito at malapit na ring mag-platinum.

Hindi lamang ang pelikulang Crazy For You ang naging isang malaking hit, sa repackaged edition ng album, tinangkilik din ang Madonna hit na "Crazy For You" , ginawang theme song ng TV series na may kapareho ring pamagat at ng blockbuster movie na You Are the One.
* * *
E-mail: veronica@philstar.net.ph

Show comments