Janet McBride, ‘di na kilala ng viewers

Ipinapakita na ang teaser ni Roderick Paulate sa Humalik Ka Sa Lupa, ang bagong soap ng TAPE, Inc. na ipapalit sa Ang Pinakamamahal. Siya ang na-blind item naming ABS-CBN talent na kasama nina Carlo Aquino, JC de Vera, LJ Reyes, Ana Roces, Janet McBride, Goyong at Celia Rodriguez sa soap. Kasama rin sa cast si Oyo Sotto pero, sa week seven pa papasok ang character.

Madaling nahulaan ng readers kung sino ang tinutukoy namin at nakakaaliw ang kanilang reaction. Bakit pa raw ito kinuha eh, minsan na itong binigyan ng chance ng GMA-7 na magkaroon ng show sa kanila nang mawalan ng regular show sa Ch. 2 pero, bumalik din. Ipinarating namin kay Malou Choa-Fagar ang reklamong ito ng Kapuso viewers at ang sagot nito’y hindi ang Ch. 7 kundi ang TAPE ang kumuha kay Dick.

Pero, natawa si Malou sa readers na nagtatanong kung sino si Janet at bakit kasama ito sa cast? Kailangan yatang muling ipakilala sa tao ang former talent ng Ch. 2 na love ng controversial na si Mo Twister.

Sa November 11 na ang pilot ng HKSL sa direksyon ni Ruel Bayani. Sa Payatas kinunan ang mga unang eksena ng soap.
* * *
Alam ni Lovi Poe na may kumukuwestyon sa kakayahan niya sa pagganap sa role ni Kristal sa Bakekang. May nagsasabing ‘di niya kayang gampanan ang role ng magandang anak ni Bakekang (Sunshine Dizon). Ang iba’y ang pagkakaiba ng hitsura nila ng batang nagpo-portray na Kristal ang inirereklamo.

Miscast daw siya sa role dahil morena siya at maputi ang bagets. Lalo pang naintriga si Lovi nang lumabas ang isyung gusto siyang ipa-body scrub ng staff ng teledrama para pumuti. Ang advantage lang daw nito’y magaling kumanta.

Pero, nakapag-taping na si Lovi nang ‘di dumaan sa body scrub na willing niyang gawin pero, wala raw nagsabi. Enjoy ito sa eksena nila ni Sunshine kung saan, twice siyang sinampal at nagkasagutan sila dahil kay Charming.

Para ‘di maapektuhan sa intriga, iniisip na lang ni Lovi na sa kanya ipinagkatiwala ang role ni Kristal kaya, kailangan niyang pagbutihin. Ikinatutuwa rin nito na Kristal na ang tawag sa kanya ng mga tao ‘pag siya’y lumalabas.

Samantala, sa episode tonight ng Bakekang, iuuwi ni Izzy si Charming sa bahay niya na ‘di nila alam ni Valeria (Sheryl Cruz) ay anak ni Bakekang. Gagawin nitong ghost singer ng anak na si Lorraine si Charming dahil magaling kumanta at ang anak ay wala sa tono.

Hindi man nanalo sa singing contest si Kristal, magkakapera pa rin siya nang aluking kumanta sa karaoke bar. May pambayad na siya sa hospital bills ng ina na nabaril ng director at dahil walang pambayad, binalak tumakas.
* * *
Kundi mababago, bukas na ang first shooting day ni Christian Bautista sa Mano Po 5: Gua Ai Di ng Regal. Hindi na masyadong mahihirapang umarte for the big screen ang binata dahil may acting experience na siya sa Kampanerang Kuba at nag-acting workshop kay Audie Gemora nang tanggapin ang offer.

Hindi mahihirapan sa kanyang role sa pelikula si Christian dahil singer din ang role niya. Siya si Felix Yan, sikat na Chinese singer sa Singapore na ipinagkasundong ipakasal ng kanyang magulang sa Tsinay na si Angel Locsin.

"I’m excited to be working with her. Hindi ko siya personal na kilala but, I know she’s very beautiful, very pretty and that she’s big. She’s all over the country," ayon kay Christian.

Hindi man close, friends sila ni Richard Gutierrez dahil pareho silang endorser ng Bench at tiyak siyang makakasundo rin si direk Joel Lamangan.
* * *
Sa selosan magbubukas ang week 22 ng Captain Barbell. Magseselos si Levi (Patrick Garcia) nang makitang kayakap ni Leah (Rhian Ramos) si Teng (Richard Gutierrez) at magseselos din si Kit (Camille Prats) na nobya na ni Teng. Magsusuntukan sina Teng at Levi na hahantong sa pakikipag-break ni Leah kay Levi.

Naisip ni Viel (Richard Gomez) na si Captain Barbell ang kailangan niya para muling makalakad at sa nalamang background, maghihinala siyang iisang tao lang sina Teng at ang super hero.

Nadakip naman ng tauhan ni Viel si Captain B (Paolo Bediones) at lalagyan nila ng microchips ang ulo nito para ma-reprogram saka ipapadala sa Marravelos. Magpapanggap itong Science teacher at makikilalang si Prof. Brando.

Show comments