Jap model / sportsman sa Daisy Siete

Nag-text sa amin si Ruffa Gutierrez-Bektas at ipinaalam nito na nakatakda siyang bumalik ng Pilipinas next week kasama ang kanyang dalawang anak na sina Lorin at Venice.  This time ay baka mahigit isang buwan manatili rito si Ruffa dahil haharapin niya ang screening ng Philippines’ Next Top Model kung saan siya ang maghu-host sa telebisyon na mapapanood sa RPN-9 simula sa Enero sa susunod na taon. 

Bukod sa PNTM, may shoot ding gagawin si Ruffa para sa isang TV commercial at kung matutuloy, magsu-shooting din si Ruffa ng pelikula, Desperadas sa bakuran ng Regal Films kung saan niya nakatakdang makasama sina Gretchen Barretto, Dawn Zulueta, Pops Fernandez at Rustom Padilla na nakatakdang pamahalaan ni Eric Quizon.
* * *
Isa na namang Japanese actor ang gustong sumubok sa lokal na aliwan, si Tomyokuki Tai na isa ring kilalang actor, modelo at sportsman sa Japan. Si Tai (23) ay binigyan ng screen name na Koji ay ipinapakilala sa Season 13 ng Daisy Siete na pinamagatang Moshi Moshi Chikiyaki na pinangungunahan siyempre ng Sexbomb Girls sa pangunguna ng kanilang most senior at pinaka-popular member ng grupo na si Rochelle Pangilinan.

Hindi ikinakaila ni Koji na sa lahat ng members ng Sexbomb ay attracted siya kay Rochelle dahil sa kanyang taglay na  Filipina beauty.

Si Koji (Tai) ay ipinanganak at lumaki sa Tokyo, Japan.  Although kilala na siya sa Japan bilang actor, commercial model at sportsman, gusto niyang makilala ng husto dito sa Pilipinas dahil gustung-gusto niya umano rito ganoon din ang mga Pinoy.  Si Koji ay nasa ilalim ng pamamahala ngayon ng choreographer-dancer-turned talent manager na si Geleen Eugenio.

Sa Japan, nakagawa na siya ng dalawang pelikula, ilang TV commercials at ilang TV guest appearances.

Bilang paghahanda sa kanyang pagsabak sa showbiz, nag-aaral siya sa UP ng Tagalog.
* * *
Nakatakdang ipalabas sa darating na Nobyembre 29 ang directorial debut ni Crisaldo Pablo sa pelikula, ang Pitong Dalagita na siya rin mismo ang sumulat sa ilalim ng Canary Films, sister company ng OctoArts Films.

Mga tampok na bituin sa Pitong Dalagita sina Angelica Panganiban, Yasmien Kurdi, Nadine Samonte, Iwa Moto, Valerie Concepcion, Cristine Reyes at JR Trinidad.

Ang Canary Films ang siya ring producer ng Matakot Ka Sa Karma  na pinamamahalaan ni Jose Javier Reyes at nakalaan para sa darating na Metro Manila Film Festival. — ASTER AMOYO

Show comments