Pops, nagpaliwanag kay Zsazsa

Agad tinawagan ni Pops Fernandez si Zsazsa Padilla pagkadating niya from the States noong Huwebes, October 12, para magpaliwanag kung bakit hindi siya nakabalik ng ‘Pinas sa date na kanyang ipinangako. Pasalamat ito na pinakinggan ng kaibigan at kasama niya sa Zsa Zsa Zaturnnah ang nangyari habang nasa Amerika siya. Kaya, nang magkita sa last shooting day ng Regal Entertainment movie, parang walang conflict na nangyari.

Matatandaang nag-away sina Mother Lily at manager ni Pops na si Arnold Vegafria nang makiusap ang huli na baguhin ang naka-schedule na operasyon ni Zsazsa dahil hindi makakauwi si Pops. Umiyak si Zsazsa dahil kailangan na niyang maoperahan sa Oct. 18 at pati si Dolphy ay nag-react din.

Nang malaman ni Pops na malaking gulo ang dulot kundi siya makakauwi agad, gumawa siya ng paraan at kumuha ng ibang lawyer na mag-aayos ng kanyang visa. Kaya, masaya ang lahat sa last shooting day lalo na si direk Joel Lamangan dahil makakapag-concentrate na siya sa shooting ng Mano Po 5: Gua Ai Di na entry din sa Metro Manila Film Festival.

Hindi pa nagkikita sina Pops at Mother Lily nang makausap namin ang singer-actress pero, sigurado itong maayos ang kanilang pagkikita kahit, naging violent ang reaction nito. Wala raw kasalanan si Arnold sa bulilyasong nangyari sa kanya at gaya niya, na-pressure lang ito. Hindi rin alam ng manager na major operation ang gagawin kay Zsazsa.

Samantala, sexy si Pops sa kanyang costume na gawa ni Maxi Cinco. Sa first three days ng shooting, conscious pa sila ni Zsazsa at naka-sarong o bathrobe sila habang ‘di nila take. Later on, nasanay na sila at nakakarampa sa set na walang takip ang katawan.

Nag-training siya ng wushu para sa fight scene nila ni Zsa Zsa at na-excite sa mga eksena niya lalo ‘pag siya’y lumilipad. Kahit kontrabida ang role, ‘di raw siya kaiinisan ng tao dahil musical-comedy ang pelikula.
* * *
Siguradong matutuwa ang viewers ng Bakekang na nagre-request na pahabain ang labas ng mga batang gumaganap na Charming (Eunice Michaella Lagusad), Kristal (Jolina Marie Reyes) at Lorraine (Louise Joy Folloso). Pinakinggan ng GMA-7 management ang request ninyo at heto, extended for one week ang exposure nila sa teledrama. Kung susuwertihin pa ang mga bagets, baka umabot sa two weeks ang extension nila.

Aware ang management na isa sa mga rason kung bakit dumarami ang sumusubaybay sa Bakekang ay dahil sa magaling umarte ang mga bata, lalo na si Charming. May friend nga kaming gusto’y hindi na lumaki ang mga anak ni Bakekang (Sunshine Dizon) para ‘di sila mawala sa istorya.

Dapat, this Monday na papasok sina Yasmien Kurdi (Charming), Lovi Poe (Kristal) at Nadine Samonte (Lorraine) pero, dahil sa extension sa mga bagets, next week na sila mapapanood.

Show comments