Hero, direktor ng digi-film!

Kagulat-gulat na malaman na nagdi-direk na ng isang project si Hero Angeles at ito ay isang digital film.

Sana ay magtagumpay si Hero sa bago niyang pinagkakaabalahan ngayon. Sa pagkakataong ito, maari niyang patunayan at ipakita sa mga nanglalait at nang-iintriga sa kanya na may ibubuga pa siya. Hindi man sa harap ng kamera ay sa likod nito.

Nakikita naman natin na nandiyan pa rin ang kanyang mga fans na laging nakasuporta sa anumang gagawin ni Hero.

Kahit sabihin pang hindi madali ang maging isang direktor dahil ika nga, marami pang bigas na kakainin para siya mahasa. Pero dapat pasalamat si Hero dahil may bukas na pinto o pagkakataon na ibinibigay sa kanya.
* * *
Maraming salamat sa mga taong nagtanggol sa akin nung ako’y nasa Hawaii at hindi ko maipagtanggol ang aking sarili tungkol sa diumano’y wala nang laman ang kaban ng KAPPT. Samantalang alam naman ng lahat na talagang malaki ang iniwan kong pananalapi sa Actor’s Guild.

Hanggang ngayon, inaalam ko pa rin ang mga kaganapan sa KAPPT dahil bumibisita pa rin ako sa kanilang opisina at dahil na rin sa full support ang ibinibigay ko sa bagong pamunuan.

Pero katulad nga ng kanilang sinabi na nagkukulang daw sila ngayon sa pananalapi dahil hindi maiiwasan na meron din pinagkakagastusan ang ahensyang ito. Tulad ng buwanang pagbabayad sa kanilang opisina, sekretarya at sa iba pang tauhan ng KAPPT, kaya hindi maiwasan na mabawasan ang pondong ito. Wala rin namang income na pumapasok dito, kaya talagang hindi natin masisisi ang ating Pres. ER Ejercito na inabot ng kagipitan sa kanyang pamumuno. Nandiyan pang marami ring aberya dahil sa inabot ng bagyong Milenyo ang Star Olympics na malaki ang napapakinabang ng KAPPT.
* * *
Muli kong nakausap si Gabby Concepcion nung nasa Hawaii kami, at ipinaaalam niya na ibinibenta niya ang kanyang beach resort sa Anilao Batangas. Sa mga interesado, maari po n’yong idaan sa akin ang pakikipag-usap sa GMA Network sa aking regular radio program tuwing hapon sa DZBB.

Naikuwento rin niya sa akin na naging madrama pala ang pagkikita nila ng kanyang anak na si KC. Nagkaiyakan daw silang mag-ama dahil sa kapwa sila nanabik sa isa’t isa. Naging maganda at maayos ang kanilang maikling pagsasama dahil sa nabigyan sila ng privacy. Ang sarap daw ng feeling dahil sa malaya silang nakapasyal at malayo sila sa intriga at walang naging sagabal sa kanilang pagtatagpo. — KUYA GERMS

Show comments