Ayaw galawin ang pondo ng KAPPT

Kung ipinagmamalaki ng mga taga-Eastern Samar (lalo na ng mga taga-Borongan) ang kanilang kababayan na si Boy Abunda dahil sa mga achievements nito, isa pang taga-Eastern Samar ang patuloy na gumagawa ng pangalan hindi lamang sa larangan ng pulitika kundi maging sa larangan ng musika, si Cong. Nonoy Libanan na kamakailan lamang ay nag-launch ng kanyang debut album na pinamagatang "Music From The Heart" na naglalaman ng mga klasikong awitin na kanyang tinugtog sa pamamagitan ng gitara.   

Lingid sa kaalaman ng marami, si Cong. Libanan ay nanalo noong bata pa siya sa National Music Competition for Young Artists (NAMCYA).   

Kung si Cong. Nonoy lamang ang nasunod, mas gusto sana nitong ipagpatuloy ang kanyang karera sa musika pero ang kanyang tiyuhin ang nag-engganyo na tapusin nito ang kanyang kurso sa abogasya.   

Sa kabila ng kanyang political career, hindi ito nangangahulugan na ang passion niya sa pagtugtog ng gitara ay tuluyan na niyang kinalimutan.   

Dahil sa kakaibang talento ni Cong. Libanan sa pagtugtog ng gitara, ang ilan niyang mga kaibigan sa kongreso ang nag-encourage sa kanya na gumawa siya ng album at dito nabuo ang "Music From The Heart".   

Ayon sa batang kongresista, hindi naging madali ang pagbuo ng kanyang kauna-unahang album pero nawala lahat ng kanyang pagod nang makita na niya ang finished product ng kanyang album.   

Si Cong. Libanan ay may limang gitara na ang isa ay pinasadya pa sa Spain. 
* * *
Siguro, mamamatay na ang isyu kina Regine Velasquez at Ogie Alcasid ngayong inamin na ng kapareha ni Robin Padilla sa pelikulang Till I Met You na meron na siyang lovelife for the last four years na isang non-showbiz guy.  Inamin din ng Asia’s Songbird na hindi na siya birhen at masaya umano siya sa  kanyang lovelife.  Nga lang, ayaw pa nitong sabihin ang totoong identity ng guy dahil hindi umano ito showbiz.   

Klinaro ni Regine na mananatiling isang ispesyal at close na kaibigan si Ogie na kanyang business partner sa Indie Music.   

Samantala, ginulat ni Regine ang mga entertainment writers sa pag-amin niyang hindi na siya birhen.  Pumasok tuloy sa isipan ng marami na maaaring ang mister ni Gelli de Belen na si Ariel Rivera ang nakauna kay Regine dahil naging kasintahan niya ito. Pero hindi nag-elaborate ang Asia’s Songbird at sinabi nitong apat na taon na niyang karelasyon ang kanyang non-showbiz boyfriend at masaya umano siya sa kanyang lovelife.   

Anim na taon din ang binilang bago muling nagtambal sina Robin at Regine sa pelikula. 
* * *
Sa October 11 pa ang showing ng Till I Met You pero sa October 10 ay lilipad na si Robin Padilla patungong Australia para makasama niya ang kanyang pamilya.   

Kahit pwedeng mag-asawa si Robin ng apat, nanatili pa rin itong loyal sa kanyang kaisa-isang asawang si Liezl Sicangco at sa kanilang mga anak.   

Likas na rin kay Robin ang pagiging lapitin ng mga babae pero wala siyang siniseryoso sa mga ito.   

Sa pagbabalik ni Robin ay saka niya sisimulan ang kanyang bagong programa sa GMA-7.
* * *
As much as possible, ayaw ng bagong pamunuan ng Actors Guild of the Philippines na pinamumunuan ni Pagsanjan Mayor ER Ejercito na galawin ang naiwang P3-M fund ng KAPPT sa pamumuno ng dating pangulo na si Kuya Germs Moreno.  Naka-time deposit umano ang pera ng KAPPT na nakalaan para sa ibang proyekto ng organisasyon.   

Natutuwa si Mayor ER Ejercito na naging matagumpay nung nakaraang September 23 ang badminton tournament ng Star Olympics na ginanap sa Badminton Court ng Rizal Memorial na sinundan naman noong Oktubre 1 sa Pasig Sports Center para naman sa basketball at volleyball tournament.   

Ang Actors Guild of the Philippines ay nagdaraos ngayon ng kanilang ika-25 anibersaryo habang ang Star Olympics naman ay nasa kanyang ikalawang dekada na.
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments