Nang muling magkita ang aktres at aktor sa isang reunion party, muling nabuhay ang kanilang nakaraan at pahilim sila ngayong nagtatagpo.
Sa mundong ito, walang lihim na hindi nabubunyag lalo pat may ibang taong nakakaalam sa relasyon ng dalawa. Kapag nakarating ang balitang ito sa mister ng aktres, tiyak na malaking iskandalo ito at tiyak na maiiskandalo rin ang aktor na isa ring politician.
Nakahiga na sa malambot na kama ang aktres, bakit nanaisin pa niyang bumalik sa papag? Hindi ba natatakot sa karma ang actor-politician na ito na isang payapa at masayang pamilya ang kanyang sisirain?
Dating magkarelasyon ang dating bagets actress at actor na ito pero maagang nag-asawa ang bagets actress kaya hindi na nito na-enjoy ang kanyang pagiging isang tin-edyer.
Ang veteran actor-director na si Eddie Garcia ang ispesyal na panauhin sa Bahay Mo Ba To? bukas ng gabi. Itoy tinatampukan nina Ronaldo Valdez, Tessie Tomas, Wendell Ramos, Gladys Reyes, Keempee de Leon, Francine Prieto, Sherilyn Reyes, Sunshine Dizon, Dino Guevarra at iba pa mula sa pamamahala ng veteran director na si Al Quinn.
Ang Bahay Mo Ba To ay nasa kanyang ikalawang taon na at patuloy pa ring kinagigiliwan ng mga manonood tuwing Martes ng gabi.
Ngayong may asawa na ang panganay ni Daisy Romualdez na si Tina Paner na sa Barcelona, Spain na naka-base, naka-focus naman ang kanyang attention ngayon sa kanyang bunsong anak na si Danita Paner na isa ring mahusay na mang-aawit tulad ng kanyang Ate Tina.
Sa September 14 ay magdi-debut na si Danita bilang isang concert artist sa pamamagitan ng kanyang first major solo concert na pinamagatang "Danita" kung saan niya makakasama bilang special guests sina Sam Milby, Monty ng Mayonnaise, Tutti ng Protein Shake, si Jeff ng Soapdish at siyempre pa, si Piolo Pascual.
Siyempre pa, aligagang-aligaga ang kanyang Mommy Daisy. Sa totoo lang, mas excited at mas nininerbiyos pa nga si Mommy Daisy kesa sa kanyang bunsong si Danita.
<a_amoyo@pimsi.net>