Phillip, balik pelikula na!

Tiyak na matutuwa si Kris Aquino. Haharap nang muli sa movie camera si Phillip Salvador sa ilalim ng Jordan Films, sa pelikulang Asset sa direksyon at panulat ni Tony Bernal.

Nakatutuwa ang balitang ito dahil si Ipe ay hindi lang isang mahusay na action star kundi isa sa pinakamagaling na aktor.

Tiyak nag-iinuman sa sarap ang mga kaibigan ng aktor at kasamahang action stars tulad nina Bong Revilla, Rudy Fernandez at iba pa niyang kasabay.

Bakit si Phillip ang napili nina Direk Bernal?

"He’s so good!" bulalas ng director nang makausap namin. "Isa pa, matagal-tagal na rin namang walang pelikula si Ipe kaya naipasya naming bigyan siya ng panibagong chance. Alam naming malaki rin ang maitutulong niya sa aming produksyon."

Nakailang pelikula na rin naman ang Jordan bagamat hindi lamang gaanong naibabalita ang mga iyon. Gumawa na ito ng pelikula ni Manny Pacquiao. At natatandaan naming ang Jordan din ang gumawa ng pelikulang Bikining Itim.

"Bale itong Asset ang pinakamalaki naming pelikula," sabi pa ni Bernal. "At inaasahan naming magpapabalik din sa action movies at sa career ni Ipe." Nasa malayong probinsiya ang pangkat ni Bernal para doon gawin at tapusin ang pelikula.

Hindi pa namin matiyak kung sino ang natuloy na leading lady ni Ipe sa kanyang pagbabalik-pelikula. Ang alam nami’y pinagpipilian kina Kristine Hermosa at Rica Peralejo ang magiging katambal ng aktor. — Boy C. De Guia

Show comments