Beth di alam na buntis, nakunan!

Nalulungkot naman kami para sa aming inaanak (sa kasal) na si Beth Tamayo at mister nitong si Johnny Wong dahil nauldlot ang pinakahihintay-hintay nilang baby. Yes, nakunan si Beth pero wala siyang kaalam-alam na buntis pala siya. Sanay na kasi si Beth sa kanyang irregular monthly period kaya hindi niya pinapansin masyado kapag hindi siya dinadatnan ng kanyang buwanang dalaw na umaabot pa ng tatlong buwan. Minsan din, nagkakaroon siya ng spotting bago dumating ang kanyang monthly period. 

Nung August 8, pagkarating niya galing New York kasama ang kanyang husband, muli siyang nagkaroon ng spotting at inakala lamang niyang malapit na siyang datnan ng kanyang buwanang dalaw. Pero nagtuluy-tuloy ang kanyang pagkakaroon ng spotting na umabot ng dalawang linggo. Sa halip na magpatingin, nai-share niya ito sa isang kaibigan na nag-suggest naman na mag-pregnancy test siya. Positive ang naging resulta. 

Para masiguro ni Beth, muli siyang nagpabili ng pregnancy kit sa kanyang driver at positibo pa rin ang naging resulta kaya agad niyang tinawagan ang kanyang OB-Gynecologist na si Dra. Concepcion Ilao-Orete.  Nagkataon naman na may iba itong appointment kaya hindi agad nakapagpa-check-up si Beth. Pero nung nakaraang Friday, Aug. 25 ay nagkaroon na naman ng bleeding si Beth at nanakit ang kanyang puson kaya isinugod siya ng kanyang asawa sa St. Luke’s Medical Center. 

Sa hospital, muling positive ang findings kay Beth ng kanyang pagbubuntis pero sa kasawiang-palad hindi ito na-save dahil sa kanyang pagbi-bleed. Iniyakan ni Beth ang pagkawala ng first baby na sana nila ni Johnny at nalungkot ang kanyang mister dahil gustung-gusto na nilang magka-baby.  Pero naniniwala ang mag-asawa na hindi pa siguro panahon.

"Siguro, I should be more careful next time," ani Beth.  "Kung nagpa-check-up lang siguro ako kaagad, baka na-save pa ang baby namin," may tonong panghihinayang na tinuran ng aktres.

Kasalukuyang nagpapahinga lamang sa bahay si Beth matapos itong lumabas ng hospital nung nakaraang linggo ng hapon. Balak nila ng kanyang mister na magbakasyon sa Maldives. Dahil may dalawang anak  na lalaki si Johnny sa kanyang unang misis, sina Kelvin (8) at Keon (7), gusto nilang mag-asawa na girl ang maging anak nila at kung papalarin, gusto nilang magkaroon ng dalawang anak na babae.
* * *
<a_amoyo!@pimsi.net>

Show comments