Aia, banta kay Kitchie

Narinig n’yo na ba ang kantang "Taralets" ng bandang Imago? Nakakaengganyo ang kantang ito na may magandang beat at melody, tungkol ito sa barkadahan at gimikan na walang iwanan.

Nag-reflect ang magandang samahan ng Imago na pitong taon nang magkakasama kaya naging maganda rin ang resulta ng kanilang kanta sa kanilang album. Ang Imago ay isang Latin word na ang ibig sabihin ay image kung saan kinuha ng grupo ang kanilang pangalan.

Click na click ang kanilang vocalist na si Aia de Leon na hindi lang swabe ang boses kundi may maganda ring mukha at napaka-talented.

Si Aia ay minsan nang nanalo ng Best Vocalist ng Awit, Katha at NU 107 Rock Awards. Si Aia ay graduate ng Communications Arts sa La Salle. Dati rin siyang reporter ng Graphic Trapik.com. Hilig ni Aia ang pagsusulat ng tula, ito rin ang dahilan kung bakit nag-aral siyang tumugtog ng gitara na ngayon ay naririnig na sa kanilang album ang mga kinompos niyang kanta.

"Nothing beats songwriting when you do it from the heart. Kailangan you should come out from the box. Challenge yun on my part, not to stop but to go on and to strive more. Lagi kasi akong may magandang baon mula sa lahat ng mga nakakukwentuhan ko from all walks of life then I put these into writing hanggang sa kinakanta ko na," paliwanag ni Aia na ate sa tatlong magkakapatid at ulila na sa ama.

Marami ang nag-aalok kay Aia na mag-solo pero wala pa siyang lakas ng loob gawin ito dahil napamahal na sa kanya ang bandang Imago. Mukhang may katapat na si Kitchie Nadal sa larangan ng pop rock at alternative music. Lalo na ngayong nagbabalak si Kitchie na mag-lay low sa kanyang career dahil sa kanyang pag-aaral.

Sasaluduhan mo rin si Zach Lucero sa husay ng kanyang performance as drummer na nanalo ring Drummer of the Year sa Awit at Katha awards na isang Industrial Design graduate ng UST. Dati siyang DJ at master engineer ng NU 107 Rock at kasalukuyang editor ng Burn magasine. Si Zach ay dating ka-member ni Barbie Almalbis ng Hungry Poets as drummer.

Industrial design graduate din ng UST si Tim Cacho na may oozing power din as guitarist na iniwan din ang trabaho dahil sa hilig niya sa pagbabanda.

Dati namang program director ng NU 107 Rock ang kanilang bassist na si Myrene Academia na nagsasabing sagabal din ang kanyang trabaho sa kanilang pagbabanda.

Ang album ng Imago na pinamagatang "Blush" ay release ng Universal Records.

Show comments