Mga anak ni Daboy at LT, walang bisyo

Para sa young actor na si Michael ‘Ketchup’ Eusebio, ang ma-nominate sa isang prestigious award-giving body tulad ng Gawad Urian ay isa nang malaking karangalan. How much more kung makakatanggap ka pa ng award mula sa nasabing body?

Aminado si Ketchup na hindi niya inaasahan na mananalo siya ng gabing ‘yon bilang Best Supporting Actor dahil pawang mabibigat ang kanyang mga kalaban.

Si Ketchup ang nanalong Best Supporting Actor dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa papel na Pogi sa digital movie na Sa Aking Pagkakagising Mula sa Kamulatan na dinirek ni Ato Bautista.Tuwang-tuwa rin siyempre ang kanyang 19-year-old American-Irish girlfriend na si Bethany Devendorf.

Marami ang curious kung bakit Ketchup ang palayaw sa kanya?

Michael Allen Eusebio ang kanyang tunay na pangalan.Walong taong gulang siya nang maging endorser ng isang brand ng ketchup at magmula noon ay tinawag na siyang ketchup boy sa kanilang lugar hanggang sa makasanayan na siyang tawaging Ketchup na hindi na naalis hanggang sa kanyang paglaki.

Seventeen years old naman nang gumawa siya ng TV commercial para sa Royal True Orange at dito siya napansin ng pamunuan ng ABS-CBN Star Magic (dating Talent Center) at agad siyang isinama sa tatlong programa, ang Berks, Darating ang Umaga at Tanging Ina.Magmula noon ay naging in-demand na siya sa TV at pelikula.

Katatapos lang niyang gawin ang White Lady sa Regal Films at kasalukuyang ginagawa sa Regal ang Binibini na siyang launching movie ni Katrina Halili.May sisimulan din siyang bagong movie sa Regal pa rin na nakatakdang idirek ni Joel Lamangan, isa pa para sa Star Cinema, ang First Day High at isa pang pelikula para sa isang independent film outfit.

Sa buwan ng Oktubre ay nakatakdang gawin ni Ketchup ang isang play na pinamagatang Sabado sa Sam’s kung saan makakasama ang dati niyang mga kasamahan sa Berks. Napasama rin siya sa mga pelikulang Can This Be Love at Mr. Suave at isa siya sa mga hosts ng bagong programang It’s A Guy Thing ng Studio 23.

Sa pagkakapanalo, nangangako siya na lalo niyang pagbubutihin ang kanyang craft at inaasahan na lalo siyang magiging abala sa mga darating pang mga araw.

Dahil high school graduate pa lamang si Ketchup, balak niyang ipagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa college lalo pa’t sa Enero ay tutulak patungong Boston ang kanyang girlfriend para doon magpatuloy ng kolehiyo.
* * *
Proud ang mag-asawang Rudy Fernandez at Lorna Tolentino sa kanilang mga binatang anak na sina Raphael (22) at Renz (20) dahil bukod sa mababait ay wala itong mga bisyo. Hindi rin mahilig sa gimik ang dalawa.

Kapag wala silang importanteng lakad sa labas ay nasa bahay lamang ang mga ito.

Si Raphael ay graduating next year sa Ateneo kung saan siya kumukuha ng Psychology at Film habang si Renz naman ay lumipat ng St. Paul-QCgaling Ateneo kung saandin siya kumukuha ng Psychology pero balak niyang lumipat ng UP sa isang taon.

Sinabi sa amin ni Raphael na wala umano siyang girlfriend ngayon habang si Renz ay kabi-break lang ng kanyang girlfriend three months ago.  

Dahil may sariling pamilya na si Mark Anthony, ang panganay na anak ni Daboy (kay Alma Moreno), hindi na nila ito madalas na makasama. Sa kabila na hindi si LT ang tunay na ina ni Mark Anthony, parang tunay na anak din ang trato ni LT sa kanya at very close ito sa kanyang mga nakababatang kapatid na sina Raphael at Renz.
* * *
Sina Ryan Yllana, Ella V. at Vince Enero ang mga ispesyal na panauhin bukas (Martes) ng gabi sa nakakatuwang Bahay Mo Ba ‘To na tinatampukan nina Ronaldo Valdez, Tessie Tomas, Gladys Reyes, Wendell Ramos, Keempee de Leon, Francine Prieto, Sunshine Dizon, Mike "Pekto" Nacua, Sherilyn Reyes, Tiya Pusit, Dino Guevarra at iba pa na pinamamahalaan ng veteran director na si Al Quinn.

Ang Bahay Mo Ba ‘To ay nasa kanyang ikalawang taon na.
* * *
E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments