Tribute sa APO!

Halos lahat ng kompositor, mga gumagawa at kumakatha ng mga awitin ay nagsabi na ang pinakamalaking papuri para sa kanila ay yung marinig na inaawit ng maraming singer ang kahit isa man lamang sa kanilang likhang awitin.

Hindi kakaunti ang mga nagawang kanta ng grupong APO. Katunayan, mga 22 album ang nagawa nila na ang tampok ay pawang mga komposisyon nilang tatlo. At bagaman at halos lahat ng ginawa nila ay sila ang kumanta, marami ring mang-aawit ang nabiyayaan ng kanilang talento sa paglikha ng awit.

Tatlong dekada nang kumakanta ang APO, napakatagal na kung tutuusin pero hanggang ngayon maging ang mga nauna nilang komposisyon ay inaawit pa rin ng marami.

Ito ang ipinagmamalaki nina Danny Javier, Jim Paredes at Buboy Garovillo. Pero, bukod dito at sa tagal ng kanilang pagiging mga singer, pursigido ang tatlo sa pagtutulak ng OPM (Original Pilipino Music). At di lang sila sa showbiz may concern kundi maging sa bayan. Instrumental sila sa unang People’s Power Revolution nung 1986 at maging sa People Power 2 nung 2001.

Hindi nakapagtataka kung kilalanin ng kapwa nila musikero ang kanilang talento at ambag sa mundo ng musika sa pamamagitan ng isang album na naglalaman ng 18 nilang komposisyon na binigyan ng bagong areglo at inawit ng kapwa nila musikero. – "Anna" ni Top Suzara, "Pumapatak ang Ulan" ng Parokya ni Edgar, "Yakap sa Dilim" ng Orange & Lemons, "Doo Bidoo" ng Kamikazee, "Awit ng Barkada" ng Itchyworms,"Nakapagtataka" ng Sponge Cola, "Ewan" ng Imago, "Batang Bata Ka Pa" ng Sugarfree, "Kabilugan ng Buwan" ng Drip, "Di na Natuto" ng Sound, "Blue Jeans" ng Rocksteddy, "Panalangin" ng Moonstar88 at marami pang iba.

Pinamagatang "Kami nAPO Muna– a Tribute to the APO Hiking Society", ito ay mula sa Universal Records.
* * *
Madalas na namang makikita sa mga local showbiz happenings si Agot Isidro. Bukod sa mapapanood siya sa isang sisimulang serye ng ABS CBN, ang Rounin, mayro’n siyang bagong album mula sa Holiday Records at ipinamamahagi ng EMI Music Philippines, na pinamagatang "The Island", isang bossa nova CD na nagtatampok sa bersyon niya ng "Alone At last" ni Neil Sedaka, "Hanggang Kailan" (Umuwi Ka Na Baby) ng Orange & Lemons, "Bato sa Buhangin" ni Ernani Cuenco, "Dindi" at "Corcovado" ni Antonio Carlos, "As" ni Stevie Wonder, "I’ll Tumble For You" ni Boy George, "So Many Stars" ni Sergio Mendez at ang "Lanca Perfume".

May duet din sa loob si Agot kasama si Mon David ng awiting "Waters of March".

Maganda ang naging review sa performance sa stage ni Agot ng Zsa Zsa Zaturnnah.
* * *
E-mail: veronica@philstar.net.ph

Show comments