Bagong aktor, tumanggi sa indecent proposal ng isang powerful na bading!

Paging Unilever, producer ng reality show na Close-Up to Fame 2 na ipinalabas sa ABS-CBN dahil three weeks na pala ang nakalilipas ay hindi pa rin naibibigay ang P500,000 premyo ng mga nanalong sina Reb Sibal at Ara Hanesh.

Nabanggit ito sa amin ni Reb nang makausap namin siya sa launching ng new batch of stars ng Viva Entertainment ni Veronique del Rosario-Corpus sa entertainment hall ng Viva Office last Monday.

Nagulat din nga kami na sina Reb at Ara na look-alike ni Pops Fernandez pala ang winners kasi naman wala man lang ingay nung manalo sila, inilihim ba ito?

Anyway, baka sobrang busy ng mga taga-Unilever kasi inihahanda uli nila ang Close-Up to Fame Season 3, tama po ba?

Going back to Reb ay sobrang saya niya dahil dininig daw ang panalangin niya na manalo kasi nga kailangan niya ng pera para sa pamilya niya.

Hindi biro ang pinagdaanang hirap ni Reb para marating ang kinalalagyan niya ngayon dahil naging sales staff siya ng Her Bench, Penshoppe at nung matanggal dahil 6 months lang ang kontrata ay naging FX driver.

"Hindi ko po ‘yun ikinahihiya kasi marangal na trabahong ‘yun, kung gugustuhin ko pong umasenso kaagad, sana pinatulan ko na ‘yung indecent proposal sa akin ng isang gay," paliwanag ng budding actor.

At nahulaan namin kung sino ang gay executive na binanggit ni Reb, isang powerful man sa larangan ng telecommunications na nakilala niya sa Understatement fashion show ng Bench years ago.
* * *
As of Sunday, (August 6) ay nasa P168M na ang kinikita ng pelikulang Sukob nina Kris Aquino at Claudine Barretto at officially, nasa top 3 na out 10 top grosser movies ng Star Cinema at tinalo na ang dating number one na Milan ni Claudine.

Say ng aming source sa Star Cinema, "As of now, paakyat pa siya kasi nasa ikatlong linggo na siya, so there’s a possibility na maabutan niya ang Anak na nasa number 2 slot and it’s a Claudine movie also."

Nabanggit din sa amin na halos pelikula ni Mrs. Santiago ang nasa top 10 top grosser ng Star Cinema.

Katwiran naman ng isang respetadong kolumnista, "There’s a possibility na maabutan ang Tanging Ina ni Aiai delas Alas na kumita ng P240M, pero mura lang ang production cost no’n compared to Sukob, so mas kumita pa rin ang Tanging Ina maski na maabutan ng Sukob."
* * *
May ibibigay sanang magandang projects sa Roco Twins ni Bembol Roco na sina Dominic at Felix ang GMA-7 pero biglang binaril ng mga bossing ng Siete dahil ngayong huling linggo ng Agosto na raw ang airing ng fantaseryeng Super Inggo na kasama ang kambal.

Say sa amin ng taga-GMA-7, "Dapat may tv guestings na ang Roco twins bilang paghahanda sa next project nila, e, nalaman na kasama pala sila sa Inggo na ‘yan, so naka-hold sila hangga’t hindi natatapos ang airing ng Inggo."

Ayon naman sa taga-Dos ay apat na buwan ang target airing ng Super Inggo, "We’ll start last week of August ‘til December and commitment nila ‘yun na tapusin ang project and promote it," say sa amin.

At sa madaling salita, habang umeere sa loob ng apat na buwan si Super Inggo ay bakasyon grande muna ang Roco twins? Hindi kaya makalbo na sila after four months?

May unfinished business pala sila sa Dos, bakit kaagad silang umalis? — REGGEE BONOAN

Show comments