Malaking hamon kay Bistek

Malaking hamon ang ibinigay ng digital film na Umaaraw, Umuulan para kay QC Vice Mayor Herbert Bautista sa papel na ginagampanan niya bilang Bert sa obra ng yumaong direktor na si Luigi Santiago.

Sino nga ba ang hindi maka-challenge sa papel ng isang pipi na siya ring magsasalaysay ng istorya ng pelikula at kabuuan nito?

"Nung una, natatawa ako ‘pag gagawin na ang mga eksena namin ni Ryan (Agoncillo). Magkababata kami and after sometime, kinailangang samahan ko siya sa buhay dahil sa mga kinaharap naman niyang challenges para sa sarili niya. Kumbaga, naging ‘mata’ niya ako at kahit ‘di ako nagsasalita-nagkakaintindihan kami sa mga usapan namin sa tinginan lang."

Bihira na ngang gumawa ng pelikula si Bistek. Kumbaga, kailangan na rin naman niyang piliin o limiin ang mga papel na muli niyang ihahain sa mga manonood sa kanya.

Ang Umaaraw, Umuulan ay isang pelikulang ang layon din ay makapag-ambag ng isang magandang proyektong makakasama sa mga ipagmamalaki ng ating industriya.

Saksihan sa Agosto 9, 2006. (May premiere night sa SM Megamall Cinema 10, 7PM sa Agosto 7, 2006). — LITO T. MANAGO

Show comments