Naghirap muna bago nakapag-recording!

Dati sa mga international singers lang natin nababalitaan ang mga pagpapagamot sa kanilang mga throat doctors. May mga sarili silang espesyalistang kinukunsulta upang manatili ang ganda ng mga boses at maiwasan ang pamamalat at iba pang karamdaman na maapektuhan ang kanilang pagkanta.

Ngayon, pati mga sikat na singers (kasama ang mga trying hard sumikat) sa ating bansa, may kanya-kanya na ring mga doctor sa lalamunan.

Karaniwan na lang ngayon na ang tulad nina Sharon Cuneta, Regine Velasquez, Lani Misalucha, Gary Valenciano, Martin Nievera at Jed Madela ay madalas nasa klinika ng kanilang mga throat specialist, lalo pa’t may nalalapit silang live concerts.

Kahit na nga sa araw ng concert, nandoon pa rin ang kanilang personal throat physicians na nag-aabang sa backstage upang maiwasan ang anumang disgrasya sa kanilang mga lalamunan. Sa ganitong paraan, nakakasigurado sila na matatapos ng maayos ang kanilang palabas.

Maging ang mga recording artist, tulad ng baguhang si Aaron, kinakailangang magpakunsulta sa dalubhasang manggagamot ng lalamunan, bago magsimula sa recording ng isang album.

Ang karanasan ni Aaron sa kanyang throat doctor ay masasabing naiibang kaso.

Bago kasi ang kanyang recording, nag- voice training muna si Aaron kay Prof. Anthony Salazar. Kahit likas na maganda ang boses ng newcomer na kapatid ni Carlos Agassi, napansin ng vocal coach na medyo hirap si Aaron sa pagbigkas ng ilang salita, kaya naapektuhan ang kanyang diction. Isa pang napansin sa singer ay madaling mapagod, kaya namamaos ang kanyang tinig.

Agad nagpatingin sa isa sa pinaka-espesyalista sa lalamunan sa ating bansa si Aaron. Ang nasabing doctor ang tumitingin sa mga leading singers. Natuklasan kay Aaron na may sobra sa kanyang tongue tight (ang thin ligaments sa ilalim ng dila), at meron din siyang acid reflux, na ang ibig sabihin naman ay sobrang acidic ng kanyang tiyan, umaabot ito sa kanyang voice box.

Ang tongue tight, madali lang nabawasan sa isang minor operation. Higit na matagal ang gamutan sa acid reflux, na tumagal ng ilang buwan. Kaya hinintay pang ma-iwasto ang dalawang depektong ito ni Aaron, bago nagsimula ang recording ng kanyang forthcoming "Right Next To Me" album from Universal Records.

Ngayong Linggo ng tanghali ang TV launching ng Right Next To Me album ni Aaron, sa ASAP Mania ng ABS-CBN. Kakantahin niya ang first single na "Calculate It", isang R&B flavored danceable song.

Show comments