Franzen, tumangging tumakbong konsehal ng Valenzuela City

Marahil ay napag-isip-isip ni Franzen Fajardo na hindi pa time para tanggapin niya ang alok ng mga kababayan niya sa Valenzuela City na tumakbo siya bilang konsehal sa year 2007 dahil tinanggihan na niya ito.

"Hindi pa po time, pero hindi ko isinasara ang pintuan ko sa pagpasok sa pulitika," tsika ni Franzen during the Love Spell presscon.

Nabanggit din ng pasaway (pa ba?) na komedyanteng aktor na gustung-gusto niyang tumulong sa mga kababayan niya kaya rin niya gustong pasukin ang pulitika.

"Sa ngayon, gusto ko munang magtrabaho at mag-ipon. E, so far, okey naman ako ngayon, nabawasan na ang load ko kasi nawala na ako sa MUP, kasi hindi ko na kaya.

"Ngayon bale dalawa ang shows ko, yung Trip na Trip at itong The Love Spell wala kaming ginawa dito nina Zanjoe at Matt kundi kumain at mangulit.

"Ang hirap kasing magmemorya ng script kapag inaantok na ako, kaya para hindi ako makatulog, kain ako nang kain ngayon," kuwento ni Franzen na namimintog nga ang pisngi sa taba.
* * *
Gaano katotoo na tatapusin na lang ang kasalukuyang umeereng Season 11 ng Love to Love sa GMA -7 at mamamaalam na ito sa ere?

Ito ang tsika sa amin ng taga-L2L kamakailan na ‘til September na lang ito at papalitan na ito ng ibang programa.

"Four weeks kasing nanalo sa ratings game ang Love Spell sa Love to Love kaya nginarag kami ng management, e, siguro time na rin para i-reformat ang Love to Love kasi more than two years na rin naman itong umeere, nakakasawa na rin," kuwento sa amin.

Kaya isa ang staff na nagkukwento sa amin na naghahanap siya ng bagong raket dahil nga hanggang Setyembre na lang sila at hindi pa sure kung kukunin sila uli para sa kapalit na show ng L2L dahil nga nagko-cost cutting ang production department ng GMA-7.

At kung hindi rin kasi kami nagkakamali ay maraming shows na hawak ang mga staff ng nasa L2L dahil ka-join din sila sa Now and Forever, Posh, Sis, Family Zoo at Project 11.
* * *
Follow-up ito sa nasulat naming IC Mendoza last Tuesday dito sa PSN na magpapalagay ng hydrogel butt kay Dra. Vicki Belo.

Kinunan namin ng reaction ang ‘dalagitang’ anak ni Dolly Ann Carvajal tungkol sa pambubukelya ng mama niya na malaki ang ‘hinaharap’ niya kaya hindi na niya kailangang magpadagdag tulad ng butt niya.

"He, he, he, sabihin na lang po nating size 11 ang shoe size ko," natatawang sagot ni IC sa amin na sinundan namin ng, "Bakit hindi halata kapag naka-fitting ka?"

"Kasi po, naka T-back ako kapag may taping, pero kapag wala na, normal na siya kasi mortal sin po yung nakaipit," tumatawang paliwanag sa amin ng anak ni Dolly Ann.

At last Wednesday night ay natuloy na ang pagpapa-injection ni IC ng hydrogel butt at naloka kami sa kuwento ng mama ni IC dahil, "Naku, sigaw daw nang sigaw, ang laki ng boses, naging lalaking bigla ang anak ko, ha, ha, ha."

Dagdag pa ni Dolly Ann, "Mahirap pala, well vanity has a price."

At kinumusta naman namin si IC, "Syeet ang sakit, hindi po kasi ako tinablan ng anesthesia, pero ang ganda po talaga ng butt ko ngayon."
* * *
Sa May 2007 pa matatapos ang kontrata ni Bettinna Carlos sa GMA-7 kaya’t hindi pa niya kami nasagot ng diretso kung lilipat na siya sa ABS-CBN since part na siya ng Studio 23 bilang isa sa host ng Pinoy Dream Academy na magsisimula na sa August 28 this year.

"I’m not closing my door to that idea because I still have a contract with Artist Center ‘til May of next year, let’s see," nakangiting bungad ni Bettinna nang tanungin namin. — Reggee Bonoan

Show comments