Kahanga-hanga ang pagkakagawa ng pelikulang ito ng Sampaguita Pictures na kinunan lang sa palipaligid ng studio at Vera-Perez Garden. Ang resulta sa pelikula, tila kung saan-saang mga tourist spots, ang location.
Mga ilang araw pa lang at sariwa pa sa isip ko ang mga eksena sa Portrait Of My Love, heto ang movie queen at kaharap ko sa presscon ng bago at pinaka-engrandeng sitcom sa John En Shirley.
Lahat ng mga manunulat na dumalo roon ay nagtataka kung bakit nakumbinse si Susan Roces na magbalik-showbiz. Nagdiwang siya ng ika-65 kaarawan ilang araw pa lang ang nakaraan at ito rin ang ikalawang taon na hindi na niya kapiling si Da King at National Artist Fernando Poe, Jr.
"Hindi naman ako nagdalawang isip pa," pagtatapat ni Swanie. "Maganda ang role na inalok sa akin at kasama ko pa si Pareng Dolphy at si Maricel Soriano.
"Medyo nag-isip lang ako dahil 17 taong sinubaybayan ang John En Marsha ng buong Pilipinas, kasama na ako," dagdag niya. "Nasanay ang mga viewers na kasama roon si Nida Blanca as Marsha. Inisip ko lang, paano tatanggapin ng publiko na wala na siya sa bagong John En Shirley, na nadagdag ang character kong si Encarnacion o Encar."
Ang kwento naman ni Dolphy. "Magandang bagay kay Susan ang muling umarte. Okay ang meron siyang ginagawa at nalilibang siya. Lalo pat palagi silang masaya sa taping ng John En Shirley, lalong nagmumukhang forever young and beautiful si Mareng Susan."
Sa first episode na napanood namin sa ABS-CBN, kasama ang buong cast, ang KB Entertainment producer na si Kitchie Benedicto at Director Bert de Leon, lubos kaming nasiyahan. Hagalpakan ng tawa ang pumuno sa malaking restaurant sa 12th floor ng ABS-CBN building.
Lahat ng mga tauhan sa bagong sitcom, may kanya-kanyang nakakatawang eksena. Nakita agad ang potential sa pag-arte ng baguhang si Richie Macapagal. Very promising comedienne naman ang fashion designer na si Mich Dulce.
Salamat sa ABS-CBN at KB Entertainment. Meron na kaming aabangan magandang palabas tuwing Sabado ng gabi.