Produ, napilitang magbayad dahil sa ahas

Nakilala ko ang isang taga-movie production at naikwento nito na kapag nasa showbiz ka ay dapat maging matapang ka at umisip ng paraan para makamit ang isang bagay.

Nasabi niya ito dahil minsan ay tinulungan niya ang maliliit na manggagawa ng pelikula na kinabibilangan ng goons, stuntmen at bitplayers nang pahirapan sila ng isang produ sa paniningil ng kanilang TF.

Binitin-bitin sila at laging pinababalik sa opisina.

Ayon sa aking source, pinuntahan nila ang produ kasama ang ilang goons at stuntmen para maningil. May dala silang ahas na ginamit sa pelikula at pinagapang ito sa opisina ng produ. Sinabi nilang kung pwedeng ibigay na ang bayad sa kanila dahil matagal na itong pangako.

Sa takot ng produ ay pinirmahan agad ang tseke at sinabing ilabas na ang ahas. Nasingil tuloy nila nang wala sa oras ang produ.
Madaling Magsawa Sa Babae
Itinigil na ni Mark Herras ang panliligaw kay Marian Rivera at sinabing kahit magkapareha sila ni Jennylyn Mercado ay malabo na rin silang magkabalikan. Pero naroon pa rin ang concern nito sa ka-loveteam na ngayon ay magkasama sa Eternity.

"Sawa na ako sa panliligaw sa mga babae at gusto ko namang mag-concentrate sa aking trabaho," aniya.

Masinop sa pera si Mark, nakapagpatayo na ito ng magandang bahay sa may Commonwealth na nagkakahalaga ng P6M.

Maraming paghahandang ginagawa si Mark sa Eternity kung saan nag-aaral siya ng Spanish para sa kanyang role gayundin ng Muay Thai under Brad Turvey dahil kailangan sa fight scenes.

Tinanong ko rin siya kung sino ang pinakaseksing babae para sa kanya ngayon.

"Si Katrina Halili kaya nga nanalo siya sa FHM. Naseseksihan ako sa kanyang katawan," sey pa ni Mark.
Sis Diva School
Sino ang karapat-dapat na tanghaling Diva?

‘Yan ang sasagutin sa ispesyal at kakaibang episode ng Sis ngayong Lunes. Masasaksihan sa showdown ang galing ng mga Diva Wannabes na sina Joy Viado, Nadine Samonte at Alyssa Alano habang magpapakitang gilas sa mga diva experts na sina Dulce, Imelda Papin at ang bandang Aegis.
Susunod Sa Yapak Ng Ama
Magaling na artista si Paolo Lapid (anak ng director na si Jess) kaya kahit unang pelikula nito ang Batas Militar ay kinakitaan na agad ng talento. May pagmamanahan naman siya dahil anak siya nina Jess Lapid Jr. na magaling na kontrabida at Liz Alindogan.

Sumailalim ito ng acting workshop kay Gina Alajar. Sa Batas Militar ay anak ito ni Kaka Balagtas at bestfriend ni Maynard Lapid na pinatay nang matuklasan ang smuggling ng firearms ng mga opisyal ng Airforce sa loob ng kampo ng mga sundalo ang papel ni Paolo.

Nag-enjoy si Paolo sa syuting at sinabing magaling na direktor ang kanyang Papa dahil naiiba ang style nito sa pagdidirek. Bago sumalang ay alam na ng mga artista ang karakter na ginampanan gayundin ang pagbitiw ng linya at tamang pag-arte. "May sistema sa pagdidirek si Papa, walang nale-late sa syuting at cool lang siya. Mino-motivate lang niya kami at bahala na kaming mag-emote," anang aktor.

Tapos si Paolo ng BS Nursing sa La Salle (Dasmariñas, Cavite). OR nurse ito sa Las Piñas at nagtuturo ng Nursing sa St. Augustine sa Sucat, Parañaque. Pangarap nitong makapagtrabaho sa Amerika at makapag-ipon para pagbalik daw niya ng bansa ay siya naman ang magpoprodyus ng pelikula.

Show comments