Season II ng Daisy Siete, ipinaputol agad ng GMA!

Sa presscon ng Season 12 ng Daisy Siete na may episode title na Landas kahapon, Miyerkules ay nagulat si Joy Cancio nung tanungin siya kung hanggang Season 12 na lang ang DS at magbababu na ito sa ere.

May nakapagsabi na raw sa kanya na may naisulat na ganung isyu, pero hindi raw niya pinansin dahil as of now ay wala siyang alam.

"Siguro, kung hindi nag-rate ang Season 12, baka sabihan kami ng GMA na ihinto na, e, wala kaming magagawa, so far, wala namang abiso sa amin dahil ipalalabas palang naman ang Season 12 sa Lunes, July 3," esplika ni Joy.

At inamin din ng naturang producer na talagang nagulat din sila nung abisuhan din sila ng GMA na tapusin na kaagad ang Season 11 dahil nung i-present daw nila ang Season 12 ay nagandahan ang management ng Siete at gusto na kaagad itong ipasalang.

"Dapat 13 weeks ang bawa’t season, e, sa Season 11, naging 10 weeks lang kami, so, kinulang ng tatlong linggo, okey lang, excited na rin naman kami para rito sa Season 12 kasi action-action ito na matagal na ring dream ng grupo," kwento pa ni Joy.

At tungkol sa napipintong pag-alis daw ng alaga niyang si Rochelle Pangilinan ay wala siyang alam dahil hindi naman daw ito nagpapaalam pa sa kanya.

"Hanggang September 2007 pa ang kontrata ni Rochelle sa akin, usually kasi three months before the contract expires, kinakausap ko na ang talent ko, kung anong plano nila sa buhay, hindi ko hinahadlangan, kung gusto niyang umalis, fine!  Alangan namang pilitin ko ang isang tao kung ayaw na sa akin, di ba?" katwiran ng manager ng Sexbomb girls.

At dahil hindi natuloy ang pagpapakalbo ni Rochelle para sa nakaraang Season 11 ay nakatipid si Joy ng P300,000 at dinagdagan na lang niya ng P200,000 para sa ginastos niya sa music video ng Landas.
* * *
Mukhang hindi tatantanan ang kapatid ni Jericho Rosales na si Jeremiah Rosales ng babaeng ina ng kanyang mga anak dahil panay pa rin ang kulit pala nitong magpadala ng sustento.

Muli kaming tinext ni Ethel Gonowan, ina ng mga anak ni Jeremiah na hindi niya talaga titigilan ang struggling actor kapag hindi ito nagbigay ng sustento sa mga anak nila.

"Puro po siya tanggi na okey na, e, wala namang ginawa, tuloy ang demanda ko at pati ‘yung panggastos sa pambinyag ng anak namin ay hindi rin po nagbibigay," sabi ni Ethel sa mensahe niya sa amin.

Malakas daw ang loob ng magkapatid na Rosales na itanggi ang demandahan at pagsasabing nagbibigay sila ng sustento dahil kilala sila at may access sila sa media.
* * *
Matagal na kaming pinadalhan ng e-mail ng taga-Dos pero hindi namin muna ito binigyang pansin dahil gusto muna naming alamin kung totoo nga ito.

Halos lahat pala ng department sa ABS-CBN ay napadalhan ng e-mail na ito tungkol sa isang female news anchor na lasing daw na umakyat sa opisina ng big boss ng Dos at umiiyak na nagsusumbong.

Hindi nakapa ng aming source kung ano ang isinumbong ng nabanggit na female news anchor sa bossing nila dahil wala naman daw reaksyon ang nabanggit na bossing.

"Feeling kasi ni (name ng female news anchor) pinagtutulungan siya sa department nila dahil hindi siya feel kausap kasi nga yung ugali niya, hindi na niya binago.

"Feeling niya, porke may posisyon ang asawa niya, boss na rin siya. E, balita nga, hindi na sila in good terms ngayon ng asawa niya," kwento sa amin ng taga-Dos.

At tungkol sa e-mail na ipinadala sa amin ay hindi na namin ipi-print dahil masyadong vulgar ang mga nakasulat bagay na hindi maganda sa imahe ng nabanggit na female news anchor.

Anyway, mukhang aware naman yata si female news anchor na may isyu siya sa Dos dahil balita namin ay gusto niyang i-reach out ang mga taong hindi niya kasundo. — Reggee Bonoan

Show comments