No kissing scene maski na for art’s sake

Feel ko naging pabor di lamang kay Precious Lara Quigaman ang showing ng Kapag Tumibok Ang Puso kundi maging sa magkakapatid na Bautista, Vice Mayor Herbert, Hero at Harlene na nasa kabila ng Heaven’s Best Entertainment, Inc. Di na nila kailangang ipakilala pa ang Miss International, more or less nakita na ng manonood ang kapasidad nito bilang artista. Natangay na ito sa tagumpay ng pelikula which paired her opposite Bong Revilla.

Dapat, first movie ni Precious ang Umuulan, Umaaraw, nakapirma na siya sa kumpanya ng magkakapatid nang dumating ang offer ng Imus Productions na mayro’ng mas maagang playdate.

Kumpara sa Kapag Tumibok, mas malaki ang role niya sa Umuulan, Umaaraw bilang isang misteryosang babae na magbibigay ng malaking palaisipan kay Ryan Agoncillo.

"Makulit siya, madaldal pero, ang galing umarte," papuri niya sa dyowa ni Juday. "Si Vice naman napaka-maasikaso, parang kuya na sinisiguro na okay lahat ng mga stars at staff niya."

Nakasaad sa kontrata ni Precious na wala siyang magiging kissing scene. "I just can’t imagine myself kissing somebody who is not intimately related to me. It’s like kissing a stranger. I’m not comfortable with it, not even for art’s sake," pag-uulit niya.

Nasa cast din sina Mariel Rodriguez, Joel Torre, Chanda Romero, Yayo Aguila, Ramon Christopher, Susan Henson, Hero Bautista, William Martinez, Romnick Sarmenta. Mula sa direksyon ni Richard Arellano, mula sa istorya ni Luigi Santiago at script ni Adolf Alix, Jr.
* * *
Wala akong ginawa kundi umiyak habang pinanonood ko ang Sine Totoo 2 sa unang pagpapalabas nito nung Sabado sa SM Megamall.

Nakakadala yung dokyu ni Sandra Aguinaldo ng Boy Pusit sa I Witness tungkol sa mga kabataang naninisid ng pusit. Sinundan pa ito ng Estudyante episode ng Wish Ko Lang na kung saan ay pinaligaya ng show ang isang batang napakatalino at masipag mag-aral pero, may kapansanan. Shades of Magnifico na kung saan ay binubuhat pa ito ng kapatid para makapasok.

Pero, pinakanagbigay sa akin ng lungkot ay yung dokyu ni Kara David sa I Witness na Uuwi na si Udong, tungkol sa isang batang Sakada na kinailangang pumunta ng malayong lugar para gumapas ng tubo para mabayaran ang utang ng magulang.

Nakabigat ng dibdib ko yung pangyayaring maraming pwedeng tumulong para sila makapag-aral pero, naging personal experience ko at ng mga kaibigan ko ang dumaan sa hirap para lamang makatulong sa nangangailangan. Kaya marami sa kanila ang hindi natutulungan.

Nang paalis na ako, nakita kong ang dami palang nakaupo sa aisle, marami ring naghihintay sa labas ng sinehan para makapanood ng second screening.

Ang ganda ng ginagawa ng GMA, nabibigyan nila ng chance ang marami na makapag-interact sa mga bumubuo ng kanilang News and Public Affairs. Nababawasan ang maraming katanungan sa isip ng maraming manonood tungkol sa mga ipinalalabas nila at nailalapit pa nila sina Kara, Vicky, Jessica, Mike, Rhea, Ivan, Sandra, Jay, Maki, Jiggy, atbp pa sa mga tagahanga nila.
* * *
Magkakaro’n ng premiere showing ang 2 1/2 hr. na pelikula ni Sigfreid Barros-Sanchez sa 42nd Pesaro International Film Festival (June 24-July 2) kasama ang may walo pang pelikula at 18 short films mula sa Pilipinas.

Pinamagatang Ang Anak ni Brocka at ginawa para sa Cinema One Originals Digital Film Festival, tungkol ito sa pagkakatuklas ng isang grupo ng TV journalist ng pagkakaro’n ng anak ni Lino Brocka, kilalang isang gay filmmaker habang ginagawa niya ang isang pelikula niya sa lugar ng mga squatter. Sinimulan nila ang paghahanap kay Onil na nagsabing anak siya ni Brocka. Tinatalakay din ang buhay nito bilang isang iginagalang na tao at ang mga kamalian niya bilang tao.

Show comments