Maharlikang Pilipino, global na!

Noong unang sinimulan ang Maharlikang Pilipino male personality search ni Greg Mil Palacio, 13 taon na ang nakakaraan, marami ang nakataas ang kilay na humusga: "Tiyak hindi magtatagal ang timpalak na yan, lalo’t establisado na ang katapat na Ginoong Pilipinas."

Higit na pinag-ibayo ni Greg ang kanyang sipag at determinasyon na makaukit ng sariling pangalan ang Maharlikang Pilipino sa pagtuklas ng mga kabataang Pinoy na akmang kakatawan sa lahat ng magagandang asal at kaugalian nating mga Pinoy. Nagtagumpay naman siya at umabot na ang timpalak sa ika-13 taon.

Sa pang-13 anibersaryo ng Maharlikang Pilipino, higit ang pag-asa, positibong pananaw at mga mulat na kaisipang hinaharap nina Greg at lahat ng mga bumubuong lupon sa timpalak ang lahat ng hamon. Nais nilang patuloy na patunayan ang kredibilidad ng kanilang timpalak na ngayon ay naging global na.

Sa katunayan maraming mga finalists sa 2006 Maharlikang Pilipino contest ang kumakatawan sa ibang Pinoy community sa Amerika at Canada.

Si Eris Acosta ay galing sa Ontario, Canada. Mula naman sa San Francisco, California si Jerald Mutia. Tubong New York City naman si Carlo Garcia.

Sa Los Angeles, California galing si Eugene Bautista. Sa isang taon umaasa sina Greg na magpapadala ng kandidato ang Pinoy Communities sa Europe at Asya.

Sa pre-pageant judging na ginanap sa Manila Pavilion Hotel noong Sabado ng gabi, marami ang nagsabing kasama sa malalakas na kandidato ang mga imported entries.

Ang aking sariling pinili na maglalaban para sa titulo, sina Elias Escueta, Jaypee Beltran at Crisanto Carpio.

Mapapanood ang grand finals ng Maharlikang Pilipino 2006 sa Clamshell 1, Department of Tourism sa Intramuros, Manila sa Hulyo 1 ng gabi. Para sa tiket at iba pang impormasyon maaring tumawag sa telephone numbers 735-7257 at 09212189119.
* * *
Marami nang nag-aabang sa Grand Finals showdown ng Little Bid Star Season 2, sa Hulyo 1 ng gabi, ABS-CBN.

Apat na magagandang dalaginding — sina Laurice, Dawn, Krissha at Angeline — ang maglalaban sa big division. Sa parte naman ng mga tsikiting, mahigpit ang pasiklaban nina Christian Olog at Robert Villar Jr.

Dapat na bumoto kayo sa inyong mga paborito dahil 40 porsyento ng final score, kukunin sa mga text votes ng mga televiewers. Ang 60 percent naman manggagaling sa boto ng mga huradong sina Agot Isidro, Wency Cornejo at Buboy Garovillo.

Nakadalawang season na ng pagho-host ng Little Bid Star si Sarah Geronimo. Habang tumatagal, higit siyang humuhusay bilang host. Very relax na siya sa show at lahat ng mga dapat gawin ng isang host, naidideliver ni Sarah ng buong husay.

Show comments