Hindi kanya, franchisee lang si Ruffa ng Fashion TV

Walang alinlangan na ang award-winning singer-songwriter at komedyanteng si Ogie Alcasid ay isa sa pinaka-abala ngayon. Kasalukuyang nasa Amerika si Ogie kasama sina Regine Velasquez, Aiai de las Alas at Rico J. Puno for a concert tour sa LA, Chicago, Atlantic City, Reno, San Diego at Las Vegas na magtatapos sa Hunyo 4. Sa kanyang pagbabalik ay agad sasabak si Ogie sa trabaho at kasama na rito ang shooting ng pelikulang Zsa-Zsa Zaturnah sa Regal Films.  

Ang mga ito ay labas pa sa kanyang negosyo. Pero sa kabila ng kanyang pagiging abala, parating hinahanapan ni Ogie ng panahon ang kanyang pamilya na naka-base sa Sydney, Australia na madalas niyang dalawin.

Sa kabila ng mga intriga kay Ogie na siya’y hiwalay na sa kanyang Australyanang misis at pilit pa ring ikinakabit ang pangalan sa kanyang kaibigan at kasamahan sa SOP na si Regine Velasquez, ito’y tinatawanan at ipinagkikibit-balikat na lamang niya dahil alam naman niya ang totoo.
* * *
Nagpadala sa amin ng e-mail ang Pinay na si Len Larua na naka-base sa Turkey at gusto niyang malaman kung ang World Fashion o WFC.TV ay siyang TV channel na pag-aari ng mag-asawang Yilmaz at Ruffa Gutierrez-Bektas sa Turkey.  Bilang isang Pinay, very proud si Len kay Ruffa laluna sa mga achievements nito at sa mga charitable activities nito hindi lamang dito sa Pilipinas kundi maging sa Turkey.

Ang Fashion TV ay Paris-based  international Fashion Channel na napapanood sa satellite TV sa iba’t ibang bansa at kasama na rito ang Turkey kung saan ang mag-asawang Yilmaz at Ruffa ang may hawak ng franchise. Ang World Fashion ay Russia-based naman at iba sa Fashion TV-Turkey.

Speaking of Ruffa, nakatakda itong dumating ng Pilipinas sa June 11 at naimbitahan din siyang mag-host ng Star Awards for Movies.
* * *
Sino na naman kaya ang bagong bibiktimahin ni Michael V. sa "Yari Ka!" portion ng Bitoy’s Funniest Videos ngayong Sabado ng gabi?  Ang kasagutan ay malalaman sa sinusubaybayang programa ni Bitoy (Michael V.). 
* * *
Tulad nina Jolina Magdangal, Pauleen Luna, Julia Clarete, Bianca King, Marvin Agustin at Patrick Garcia na pawang galing sa Kapamilya (ABS-CBN) Network, Kapuso (GMA-7) na rin ngayon si Camille Prats.  Si Camille ay nagsimula sa isang panghapong teleserye ng Siete na produced ng TAPE, Inc. at ngayon ay kasama rin siya sa Captain Barbell telefantasya.

Although sa ABS-CBN siya nagsimula at nagkapangalan, hindi naman maiwasan ang kanyang paglipat sa karibal nitong TV network dahil matagal na siyang walang bagong assignment sa kanyang dating home studio.
* * *


E-mail: a_amoyo@pimsi.net

Show comments