Pero tandaan ninyo, hindi basta maaangkin nina Marvin at Jolina ang kredito sa pagtaas ng ratings ng seryeng yan, dahil hindi naman maikakaila na malakas ang team up nina Mark Herras at Jennylyn Mercado.
Noon pang nakaraang taon, napatunayan na ng dalawa na kaya nilang gumawa ng isang hit movie. Nakagawa rin naman ng pelikula sina Jolina at Marvin noong panahon nila, pero hindi naging kasing laking hit ng pelikula nina Mark at Jennylyn, kaya kung sasabihin ngang iyon lamang takilya ang talagang sukatan ng popularidad ng isang artista, masasabi mo pa ngang mas malakas ang batak nina Mark at Jennylyn sa publiko.
Eh sa totoo lang naman, hindi mo maaaring pagbatayan ng popularidad ng isang artista yang ratings lang sa telebisyon. Ano ang malay ninyo kung nagkataon lang na asar na ang mga tao sa kalaban nila kaya sila pinanonood? Eh sa takilya, naroroon yong factor na kung hindi ka talaga gusto ng mga tao, hindi na lang sila manonood.
Pero ano man ang sabihin nilang dahilan, mataas talaga ang ratings niyang Marvin-Jolina, Mark-Jennylyn series dahil sa nakita naming survey ay 39% ang kanilang ratings, at mataas yan. Hindi biro ang ganyang rating. Pwede nang lumaban iyan sa Jewel In The Palace.
Mahihirapan na ang kanilang mga kalaban niyan.
Sabi nga ni Kuya Germs, sa buong career niya, ang iniisip niya ay kung papaano pahahalagahan ang mga kapwa niya artista. Nakita naman ninyo rito, hanggang doon sa Walk of Fame, pera na niya ang ginagastos para lang parangalan ang mga kapwa niya artista.
Simula nga naman noong mag-umpisa yang Pinoy TV, at lumabas na ang kanyang show ang highest rated program, aba eh star treatment ang ibinibigay sa kanya saan man siyang lugar bumisita. Kaya hindi mo naman masisisi si Kuya Germs kung ganado siya ngayon sa mga lakad sa abroad.