Ganoon din naman daw ang nangyari nang pumasok sila sa isang mall. Naroroon pala ang maraming Pilipino. Pagpasok daw nila, nagkagulo na sila sa pagsalubong sa kanya. Sabi nga ni Kuya Germs, para raw siyang isang presidente na dumarating at pinagkakaguluhan ng mga tao. Natawa nga raw siya, dahil pati yong mga Arabyano na hindi naman siya kilala, nakipag-picture taking pa sa kanya. Pero ang mas nagulat daw siya, noong ipakilala siya sa isang Arabo at sabihin noon na marami silang nalalaman tungkol sa kanya.
Nakita rin namin iyong mga flyers na ipinamimigay ng Orbit television sa mga malls doon, alam ba ninyo kung ano ang nakalagay doon? Picture at title ng programa ni Kuya Germs, dahil yon daw talaga ang hinahanap ng mga Pinoy doon. Kaya nga nasasabi niya ngayon, kung dito sa Pilipinas eh madaling araw na kung lumabas sa telebisyon ang kanyang show, sa abroad ay nasa prime time yon at hindi nga maikakaila na ang kanyang programa ang siyang top rater sa abroad. Ibig sabihin, ang show niya ang nagpapasok ng dolyar sa kanilang cable channel.
Noong isang araw, sa aming pag-iikot ay nakakita kami ng pirated copy ng pelikulang Therese, doon sa basement ng Makati Cinema Square. Alam namin na kung hindi namin bibilhin ang pirated copy ng pelikula, malabong mapanood pa namin iyon. Kung minsan nasasabi nga namin, may kabutihan din naman iyong pagiging inutil ng gobyerno natin sa pagsugpo ng film piracy.