Ayaw ni Vehnee Saturno ng tribute!

"Kapag binigyan ka ng tribute, parang mamamatay ka na, eh," natatawang sabi ng veteran composer na si Vehnee Saturno kaya di siya pumayag na bigyan ng tribute sa pamamagitan ng isang malaking concert. Sa halip, minarapat niyang magkaro’n ng isang malaking palabas na kung saan ay maha-highlight ang kanyang mga awitin.

Ang malaking konsyerto na magaganap sa Mayo 26 sa Araneta Coliseum ay magtatampok sa mga artists na pinili dahilan sa lahat sila ay kumanta na ng komposisyon ni Vehnee. Tulad ni JayR na ang first major hit ay isang Vehnee composition, ang "Bakit Pa Ba?"; Rachelle Ann Go, "I Care" na kabilang sa pinakabago niyang album at "From the Start" na nagpanalo sa kanya sa Shanghai Songfest; Mark Bautista, "Lahat Sa Buhay Ko" at ni-revive pa niya ang "Be My Lady", ang nag-iisang awitin na ginawa ni Vehnee na nagbigay sa kanya ng international fame nang i-record ito ni Matt Monro at mapasali sa album nito.

Unang ini-record ito at naging big hit ni Martin Nievera.

Tanging ang MYMP ang wala pang kinakanta na composition ni Vehnee pero aawitin nila sa concert ang isang Sarah Geronimo medley, dalawa dito ang "How Could You Say You Love Me" at "Forever’s Not Enough", mga katha rin ni Vehnee.

Ayon kay Vehnee, dapat ay last year pa ginawa ng nasabing concert na may pamagat na Silver: The Songs of Vehnee Saturno pero, "Walang magkagusto sa project. Mabuti na lamang at may mga dumating na grupo ng mga taga-simbahan kaya ito nagkaro’n ng katuparan," ani Vehnee na simula pa sa high school at magpa-hanggang ngayon ay tumutugtog pa rin at nagbibigay ng kanyang serbisyo sa Pinaglabanan Church sa San Juan tuwing araw ng Linggo. "Dati nagtuturo rin ako ng choir dito pero, hindi na ngayon, di na makaya ng sked ko," paliwanag niya.

Sasama rin sa concert sina Martin Nievera, Jaya, The CompanY, Jessa Zaragoza, Dingdong Avanzado, Louie Heredia at Randy Santriago. Lahat sila ay ginawan din ni Vehnee ng mga awitin.

Ang kikitain ng Silver: The Songs of Vehnee Saturno ay gagamitin para sa renovation at rebuilding ng Sta. Maria Goretti Parish Church na matatagpuan sa Pope Pius XII Catholic Center sa Maynila. Tulad ng Pinaglabanan Church na nasa San Juan, di rin parishioner ng Pope Pius XC11 si Vehnee, pero, tutulong siya sa abot ng kanyang makakaya.
* * *
Grabe ang katatawanang hatid ng QTV-11 na Project 11, 8-8:30 NG, Lunes hanggang Biyernes. Pinagsama-sama dito ang mga kwelang kiliTV stars ng GMA-7.

Tulad ni Boy 2 Quizon ng Bubble Gang, Bearwin Meily ng Lagot Ka, Isusumbong Kita, John Feir ng Nuts Entertainment. Idagdag pa natin si Julia Clarete ng Eat Bulaga, pati na si Gwen Garci ng Viva Hot Babes, Isko Salvador ng Bagong Daan at ang pasaway na si Wilma Doesnt.

Worth mentioning din ang nagdidirek nitong si Uro dela Cruz na siya ring nasa likod ng Bubble Gang at Bitoy’s Funniest Videos.

Sa dami ng artistang kasama rito, nakakapagtaka na walang sapawang nangyayari. May kani-kanyang pagpapabongga ang bawa’t isa.
* * *
May bagong lugar kayong mapupuntahan at mapag-aaliwan. Ito ang Zayteenya Bar & Grill na nasa Timog, QC. Bago pa lamang ang lugar na pag-aari nina Atty. Jenny Crisologo-Sanchez at Derick Laurence Tan pero, umaagaw na ito ng parokyano sa maraming bar na katabi nito dahilan sa mahusay na performers dito tulad nina Cube, OJ Mariano, Toska, Drizzle at Jaguar.

May mga special shows na ginaganap dito, tulad ng isang bikini contest at isang fashion show na nakatakda sa buwan ito at sa buwan ng Hunyo.

Big hit din ang mga pagkain dito, mula appetizer hangganag grilled seafoods. Lahat ng inihaw, meron sila. Perfect para sa murang beer na isinisilbi nila.

Anumang okasyon meron kayo, pwede ditong gawin, call lang sa 9252611/4151637.

Show comments