Mga magagandang alaala kay Bella Tan

Ang bilis talagang tumakbo ng panahon. Nakapagbabang-luksa na para kay Bella Dy Tan, na namatay noong Abril 26, 2005. Ngayon pinipilit namin na pawang masasayang alaala tungkol sa kanya ang sariwain.

Alam na natin ang lahat ng mga kabutihang nagawa niya para sa ating industriya ng musika. Marami siyang mga parangal na tinanggap, na kahit ilang muling pagkabuhay pa ng ibang tao ay hindi maaring makamtan.

Dahil nakatrabaho ko siya ng kung ilang dekada, alam ko ang pinakamalaki at pinakamahalagang tropeo na nakamit niya. Hanggang ngayon ay matikas pa rin itong nakatayo sa Quezon Avenue, sa lungsod ng Quezon.

Ito ang Universal Tower, ang 10 palapag na magarang gusali na pag-aari ng Universal Tower, nakita ko ang personal na pagsubaybay ni Madame Bella dito.

Maging sa pagpili ng tamang mga marble tiles sa finishing touches ng gusali, siya ang nanduon. Meron pang isang insidente, na pinatuklap niya lahat ng mga tiles dahil hindi pantay ang pagkalagay. Gusto kasi niya, maging maganda talaga ang kanyang pangarap na gusali.

Natandaan ko pa na sa tuwing magkasama kaming pupunta sa mga pagpupulong at nadaanan ang isang magandang building, binabanggit niya ang: "Sana magkaroon din ng Universal Records ng sariling building tulad niyan."

Kaya naman ibayong pagsisipag ang ginawa niya at nagsilbi pa siyang inspirasyon upang kami ay magsikap din tungo sa katuparan ng mga pangarap.
* * *
Isa pang hindi ko makalimutan kay Ma’am Bella ay ang mga panakaw na shopping spree sa ibang bansa. Kahit puno ang aming mga schedule sa maraming ulit na pagdalo sa mga international meeting, nagkakaroon pa rin siya ng libreng oras upang mamili. Ito ang isa sa pinaka-enjoy niyang gawin.

Isa siyang practical shopper. Mahilig sa mga sale o bargain. Kaya naman noong minsan, dinala ko siya sa People’s Park, isang mall sa Singapore, labis siyang nasiyahan sa mga napamili.

Nakita niya ang mga formal gowns na kulay ecru, karaniwang sinusuot kapag nagnininang sa kasal at sa iba pang mga mahalagang okasyon. Nakwenta agad niya ang halaga nito sa piso mula sa original price sa Singapore dollars.

"Super mura naman ito, samantalang bago tayo umalis ang suot ko noong nag-anak ako sa kasal, P80,000 ang singil sa akin ni... (pangalan ng designer)."

Nakita ko ang mga gowns na ‘yon at maganda talaga ang binurdang disenyo, pati ang pagkakayari. Dahil impressed talaga siya sa nadiskubre, bumili agad siya ng apat na gowns. Pagbalik kasi sa Pilipinas, dalawa agad ang kasal na naka-schedule sa kanya. At hinding-hindi na nila malalaman, tig-P5,000 lang ang suot niyang gown, ang natatawang sabi niya sa akin.
* * *
Maraming nagtatanong sa akin kung saan makakabili ng ticket sa Shilhouettes, Males of Summer Fashion Show na gagawin sa Spirits-Malate sa May 11, Huwebes.

Maari ninyong tawagan ang producer/director ng show na si Christian Flores sa 639-192689905.

Meron din palang mga guest female models ang palabas.

Subtitled "Aninag" ang show na tampok ang mga creations nina Danny Acuña, Danny dela Cuesta at Ariel Agasang.

Show comments